KINASASABIKANG PAGHAHARAP NINA CONGRESSMAN AT MMDA CHAIR

KINASASABIKANG PAGHAHARAP NINA CONGRESSMAN AT MMDA CHAIR

March 4, 2023 @ 7:42 AM 2 weeks ago


MAGIGING kapanapanabik ang paghaharap nina Metropolitan Manila Development Authority acting chairman Atty. Romando “Don” Artes at Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa Miyerkules, Marso 8 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Nagpatawag kasi ng pagdinig si 2nd District Congressman Rolan Valeriano, ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development dahil sa isyu ng mga sinasabing reklamo laban sa walang patumanggang clearing operations ng MMDA sa iba’t-ibang mga lansangan sa Kamaynilaan.

Nasabing magiging kapanapanabik dahil nito lamang Biyernes ng umaga, nagkaroon ng tensiyon ang isinagawang clearing operation ng mga tauhan ng MMDA sa kahabaan ng Fugoso Street na nasasakop ng ikalawa at ikatlong distrito ng Maynila.

Sa naturang operasyon, nagtungo sina Reps. Valeriano at Chua upang kuwestyunin at pigilan ang MMDA sa clearing operation dahil una, hindi man lang sila nagpasintabi o nakipag-koordinasyon sa tanggapan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan o maging sa Manila Traffic and Parking Bureau.

Sabi ng dalawang kongresista, ayaw na ayaw ng kanilang alkalde na walang koordinasyon sa lokal na pamahalaan ang isasagawang clearing operation ng ahensiya lalo na’t nasa kapangyarihan ng lokal na pamahalaan ang pagsasaayos ng daloy ng trapiko na nakasaad sa ilalim ng Local Government Code.

Sabi nga ni Atty. Princess Abante, nagpadala na ng liham si Mayor Lacuna sa MMDA na humihiling na makipag-ugnayan muna sa lokal na pamahalaan ang sinoman sa mga tauhan ng ahensiya na magsasagawa ng clearing operation upang hindi malito ang mga motorista at mga may-ari nang mababatak na sasakyan kung saan nila pupuntahan ang kanilang nahatak na behikulo.

Ayon kay Valeriano, wala aniyang koordinasyon ang MMDA nang isagawa ang clearing operation kaya nararapat lamang nilang pigilan ang mga ito lalo’t hindi naman kabilang sa Mabuhay Lane ang Fugoso Street.

Sinabi pa ng mambabatas, nagpadala na ang kanyang komite ng imbitasyon sa mga opisyal ng MMDA at iba pang resource person upang sagutin ang reklamo ng mga barangay chairman, mga residente at mga negosyante sa ginagawang operasyon ng ahensiya.

Para kay Valeriano, carnapping at “barbaric” ang ginagawa ng MMDA sa panghihila ng mga sasakyan nang wala man lamang koordinasyon sa lokal na pamahalaan na tila binabastos ang kapangyarihan ng LGUs.

Wala naman aniyang problema kung sa Mabuhay Lane isasagawa ang clearing operation pero ang kostumbre aniya ng mga personnel ng MMDA ay sinusuyod maging ang secondary roads at maliliit na lansangan sa Maynila.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.