Kinumpiskang ibon sa Pasay positibo sa bird flu

Kinumpiskang ibon sa Pasay positibo sa bird flu

July 24, 2022 @ 5:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinumpiska ng pinagsanib na pwersa ng City Veterinary Office (CVO), Bureau of Animal Industry (BAI), Pasay City Health Office (CHO), at ng Pasay City police ang dalawang ibong parakeets matapos magpositibo ang isa sa mga ito sa H5N1 virus o avian flu.

 

Ang dalawang Indian ring-necked parakeets ay nakumpiska ng mga awtoridad pangkalusugan dakong alas 11:00 ng umaga sa bahay ng isang bird breeder.

Ayon kay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) head Miko Lllorca, ang pagkumpiska sa dalawang parakeets ay naganap makaraang magpositibo ang isa sa mga ito sa H5N1 virus na isinagawang test ng CVO na isang bahagi ng requirement para sa dokumnetasyon ng mga hayop sa lungsod.

Sinabi ni Llorca na base sa salaysay ng hindi pinangalanang bird breeder, nangailangan ng partner ang kanyang lalaking parakeet kung kaya’t bumili siya ng babaeng parakeet kamakailan sa Muntinlupa.

Hindi na pumalag pa ang breeder sa pagkumpiska ng kanyang dalawang parakeets na ayon sa huli ay nagkakahalaga ang mga ito ng P50,000 hanggang P80,000 bawat isa.

Dagdag pa ni Llorca, kanilang ipagpapatuloy ang pagmomonitor sa status ng iba pang alagang ibon at hayop habang isasailalim sa 10-day quarantine ang lugar ng breeder upang masiguro na hindi nahawahan ng avian flu ang mga ito.

“Iqu-quarantne po namin for 10 days and imo-monitor po namin kung magka-symptoms po sila at ‘yung mga kapitbahay ay na-advise na rin po natin na magbantay. Ang atin pong sanitary team ay magsasagawa ng disinfection sa area,” ani pa Llorca. James I. Catapusan