KITA O KRIMEN

KITA O KRIMEN

October 4, 2022 @ 3:05 PM 2 months ago


ANO ba talaga ang dahilan bakit may mga nagnanais na ipagbawal sa atin ang Philippine Offshore Gaming /(Gambling) Operators o’ POGO?

Dahil sa kita at pera ba? O sa krimen na ngayon ay nagsilabasan na, bunsod sa mahirap na pagpapatakbo nito?

Kung kita o’ pera, ang dahilan, maaaring may ‘di nakatanggap nito, kaya nagsisigawan ang iba na ipasara na ang mga POGO.

Noon kasing pasimula pa lamang ang POGO (2016) sa atin, kung inyong matatandaan, ay ikinakulong pa ng malalaking tao ang umano’y P50 milyong “gayla” para lamang pakawalan ang 1,300 na ‘di dokumentadong mga “Intsik” na empleyado ng POGO na inooperate ng ‘gambling tycoon’ na si Jack Lam na nahuli sa isang casino sa Clark, Pampanga.

Nagpasa-pasa ang nasabing singkwenta milyones na ‘gayla’ na ipinadaan ni Lam kay Wally Sombero, retiradong pulis, para ibigay sa dalawang Immigration Associate Commissioners na sina Al Argosino at Michael Robles kapalit nang pagpapalaya sa mga ‘Intsik’.

Di na maitanggi nina Argosino at Robles at sinabing ang P30 milyon na ‘gayla’ ay napunta sa noo’y isang mataas na opisyal, P2 milyon kay Sombero at P18 milyon ay ibinulsa umano ng hepe ng huli.

Sa pitak ko noong isang linggo, ibinahagi ko na ang POGO ay gawa ng mga PUGA sa China, dahil bawal ang sugal sa kanilang bansa. At ngayong pinaghahanap na ang mga ito, kanya- kanya na sila nang diskarte dahil pahirapan na ang pag-ooperate nito sa atin.

Ito ang nagbunsod ng krimen, sa pagitan lang naman ng mga iligal na ‘Intsik’.

Nilinaw naman agad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na ang mga aktibidad ng nasabing mga indibidwal ay hindi sa anomang paraan nauugnay sa lehitimong mga POGO rito.

Sabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco na ang mga operasyon ng POGO ay mahigpit na sinusubaybayan ng ahensya, at anomang gaming entity na mabibigo na makapasa sa proseso ng aplikasyon para sa isang offshore gaming license at makatugon sa mga kinakailangan sa dokumentaryo at pinansyal ay hindi hindi matatawag na legal na POGO.

Siguro, kailangang umikot na naman ang milyong-milyong ‘gayla’ para lahat ay lumigaya.

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!