KIWI – P6; SMALL – P7; MEDIUM – P8; LARGE-P9; DOUBLE YOKE-P10

KIWI – P6; SMALL – P7; MEDIUM – P8; LARGE-P9; DOUBLE YOKE-P10

January 16, 2023 @ 10:35 AM 2 weeks ago


NAKATAYO  ang kabilang sa pinakamalalaking kompanya ng pagkain sa Sta. Maria, Bulacan ngunit kabilang ang nasabing bayan sa may pinakamamahal na produktong pagkain.

Nasa Sta. Maria ang San Miguel Corporation-Magnolia, CDO, Bounty Fresh at marami pang hindi na natin babanggitin ngunit nag-aalaga ng libo-libong manok at baboy.

Iba pa, siyempre, ang mga family farm na maliliit dahil kahit saan, nakabibili ang mga ito ng mga biik at sisiw mula sa malalaking kompanya.

PRESYONG ITLOG

Mula sa mga nasabing kompanya, may mga paitlugan ng manok at nagtitinda ng itlog mismo sa Sta. Maria.

Kung magkano ang usapan nila sa kanilang mga dealer, hindi natin alam.

Ngunit kapag bumagsak na ang itlog sa mga retailer, diyan na nagkakaalaman.

Sa palengke ng Sta. Maria, narito ang mga presyo ng itlog: P2 para sa pugo; P6 – kiwi o maliit sa small; P7 – small; P8 – medium; P9 – large; P10 – extra large o double yoke kung tawagin.

Sa isang palengke sa Fairview, Quezon City, mababa ng sentimos o hanggang P.10 ang presyo ng bawat klase.

Sa inyo, mga Bro, magkano?

KARNENG BABOY, MANOK

Sa Sta. Maria pa rin, manok na buo kapag kinilo, ‘yun bang kasama ang legs at leeg, pwera ulo at chicken feet, P190 kada kilo.

Ang mga ulo at paa, mas mura, nasa P100-P40, depende kung nasa loob o labas ng palengke.

Ang baboy, P380 kada kilo ang malalaman na parte.

Medyo may tawad sa ulo at sa tuhod hanggang paa.

Nasa P200-240 ang ulo at nasa P200 ang tuhod hanggang paa.

Sa Fairview, ang manok, nasa P180 kada kilo.

Pero sa Sta. Maria, nasa P190 kada kilo.

Pero sa baboy, nanatiling nasa P380 pa rin bawat kilo mula pa noong Kapaskuhan.

Hmmmm…bakit kaya na producer nang malakihan sa itlog, manok at baboy ang Sta. Maria ngunit napakamahal ang mga produktong ito rito?

HINDI NAKAPAGTATAKA NGUNIT IBANG USAPAN

Dahil sa hirap ng buhay ng milyong Pinoy, hindi nakapagtataka na sa itlog ng pugo at kiwi sila umaasa para sa ulam.

Kung hindi naman, sa leeg ng manok, chicken feet, paa ng baboy, bitukang manok at murang parte ng mga hayop na nabanggit ang binibili nila.

Sabagay, nagkakaroon ng sakit sa dugo ang maraming mahihirap kaya tama lang na mag-ulam sila ng itlog ng pugo.

Pero ibang usapan na kung napupwersa na silang hanggang itlog ng pugo o kiwi na lang ang kaya nilang bilhin para sa kanilang sarili at pamilya.

Gayundin na ibang usapan na kung sa leeg ng manok, chicken feet, paa ng baboy at bitukang manok na lang ang kaya nilang bilhin at ulamin.

Paano kaya ituwid ng pamahalaan ang mga problemang ito, at paano makatutulong ang ibang mamamayan para sa pagtutuwid?

Sapat bang ipagdasal na lang, mga Bro, ang mga biktima ng kahirapan at mga presyo ng mga nasabing pagkain para bumaba?