KKB sa procurement, hirit ni Cayetano vs korapsyon

KKB sa procurement, hirit ni Cayetano vs korapsyon

September 29, 2022 @ 2:07 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Para mabawasan ang katiwalian, iminungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano na gawing “KKB” na ang sistema ng procurement sa national budget, kung saan ibibigay na lang sa mga benepisyaryo ang pera para sila na mismo ang bibili ng mga equipment o device na pinondohan para sa kanila.

“Can we study kung pwede ang KKB – kanya-kanyang bili?” ani Cayetano sa kanyang manifestation sa Commission on Appointments (CA) noong deliberasyon ng appointment ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, Setyembre 28.

Pahayag ng CA Minority Leader, maaaring ideretso na lang sa mga benepisyaryo ang aprubadong halagang nakalagay sa national budget at sila na mismo ang bibili ng sari-sariling unit, gaya ng laptop para sa mga guro.

Diin ni Cayetano, imbes kasi na makatipid ang gobyerno sa pagbili ng bultuhan, lumalaki pa ang gastos dahil nagbubulsa ng pondo ang ilang public officials.

“Kaya nga natin bini-bid na bulto para mas mura. Pero kung ganoon din lang, kung ang ABC (Approved Budget for the Contract) ay 25,000 for laptop, bakit hindi na lang natin bigyan ang teacher ng 25,000, siya na bumili,” pahayag niya.

Ani Cayetano, mapapabilis nito ang buong proseso lalo na’t pwede namang hingian na lang ng litrato ang mga benepisyaryo kasama ang kanilang mga biniling unit pati resibo.

“I just like you to look into and have a discussion about all of this,” wika niya kay Pangandaman, na kanya ring sinuportahan ang appointment. Ernie Reyes