Klase sa Metro Manila sinuspinde ng DepEd NCR mula Jan. 15 hanggang 22

Klase sa Metro Manila sinuspinde ng DepEd NCR mula Jan. 15 hanggang 22

January 14, 2022 @ 4:20 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Sinuspinde ng Department of Education-National Capital Region ang mga klase mula Enero 15 hanggang 22, 2022 dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Batay sa DepEd Regional Memorandum No. 017 s. 2022, na nilagdaan nitong Biyernes, magbabalik ang mga klase sa NCR sa Enero 24 hanggang 29 subalit para lamang sa asynchronous distance learning modalities.

“The Deped NCR suspends the conduct of classes starting Saturday, January 15, 2022, and on Monday, January 17 until Saturday, January 22, 2022,” saad sa memorandum.

Subalit iginiit ng DepEd-NCR na gamitin ng mga estudyante ang “midyear break”, mula Enero 31 hanggang Pebrero 5, upang kumpletuhin ang kanilang learning outputs.

Gayundin, inaasahang dadalo pa rin ang mga guro sa in-service trainings at iba pang learning-related na mga aktibidad kahit na naka-break.

Kailangan namang maipasa ng mga mag-aaral ang kanilang learning outputs sa pagitan ng Pebrero 7 at 12 sa pamamagitan ng online platforms.

Nakatakda ang quarter 2 examinations sa Pebrero 7 at 8. RNT/SA