KMU pumalag sa pag-isnab ni PBBM sa taas-sahod, kontraktwalisasyon sa SONA

KMU pumalag sa pag-isnab ni PBBM sa taas-sahod, kontraktwalisasyon sa SONA

July 26, 2022 @ 9:13 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinita ng mga militanteng grupo ang hindi pagbibigay-pansin sa mahahalagang isyu tulad ng taas-sahod sa mga manggagawa at kawalan ng seguridad sa panunungkulan sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Napaka-basic po ng aming mga demands. Dapat itaas ang sahod at yung contractualization na talagang bumabagabag sa maraming manggagawa ay hindi man lang na-address. Yung labor export policy ay magpapatuloy,” ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Elmer Labog.

Ayon kay Labog na nabigo si Marcos na tugunan ang mga problema ng Rice Tariffication Law.

“Hanggat nanatili itong Rice Tariffication Law, importation of basic commodity ang magaganap,” ani pa ni Labog. “At paano mabubuhay ang ating mga magsasaka kung tuloy-tuloy ang Rice Tariffication Law.”

Magugunitang pagkatapos nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019 ang batas na nag-alis ng quantitative restrictions sa bigas at nagpataw ng 35-percent tariff sa mga import mula sa mga kapitbahay ng bansa sa Southeast Asia.

Ang batas ay naglalaan ng P10 bilyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, kung saan P5 bilyon ay ilalaan sa farm mechanization at P3 bilyon sa mga seedlings.

Ang pondo ay naglalayon na tiyakin na ang pag-import ng bigas ay hindi lulunurin ang sektor ng agrikultura at maagaw ang mga magsasaka sa kanilang kabuhayan. Gayunpaman, sinabi ng mga magsasaka na ang walang pigil na pag-import ay unti-unting pumapatay sa kanilang sektor.

Gayunpaman, pinuri ng grupo si Marcos sa kanyang mga plano para sa mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon.

“Yung pagpapatayo ng mga health hospitals sa mga probinsya at yung pag-amin na hindi siya magsasalita hinggil sa kasaysayan ng edukasyon ay na-appreciate namin,” sabi pa ni Labog.

Nabatid pa sa lider ng manggagawa na tinapos ni Marcos ang kanyang SONA nang hindi binanggit ang pang-araw-araw na problema sa pag-commute sa Metro Manila, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, paglabag sa karapatang pantao, at imbestigasyon ng International Criminal Court dahil sa umano’y extra judicial killings sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.

Kaugnay nito bagama’t binanggit ni Marcos ang listahan ng mga macro-economic target, sinabi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na nagkulang siya sa pagbanggit kung paano makikinabang ang mga target ng paglago at mga proyekto ng gobyerno sa mahihirap.

Kinuwestiyon din ng grupo ang pangako ni Marcos na palawakin ang mga proyekto ng Build Build Build sa halip na tumuon sa mahahalagang serbisyong panlipunan tulad ng mga ospital at paaralan. Santi Celario