Koleksyon ng BOC, lampas sa November target

Koleksyon ng BOC, lampas sa November target

December 5, 2022 @ 11:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Muling nalampasan ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang monthly revenue collection target makaraang tumaas ng P16.176 bilyon o 26.7 porsyento mula sa target na P60.603 bilyon nitong buwan ng Nobyembre.

Ayon sa BOC, nakakolekta ng kabuuang P76.770 bilyon ang nasbaing ahensiya nito lamang buwan ng Nobyembre kung saan umabot na sa P790.301 bilyon ang kabuuang koleksyon ng kita mula Enero hanggang Nobyembre ng kasalukuyang taon.

“The Bureau also marked its highest collection performance in history and reached this year’s revenue target of P721.52 billion as early as November 11. This means the Bureau is already P68.781 billion or 9.5 percent above its annual target as of November 30,” pahayag ng BOC.

Naabot din ng lahat ng 17 Collection District ng ahensya ang kanilang pinagsama-samang mga target na kita sa loob ng 11 buwan.

Kinilala ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang sama-samang pagsisikap at dedikasyon ng mga empleyado ng Bureau na patuloy na nagbibigay ng mga frontline services para sa bansa. Nangako rin siya na palalakasin ang moral ng mga empleyado sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Matatandaan na una nang nagpahayag ng kumpiyansa si Finance Secretary Benjamin Diokno na maaaring masakop ng labis na kita ng BOC ang kakulangan ng iba pang national revenue-generating agencies. Umaasa si Secretary Diokno na maaabot ng gobyerno ang layunin ng koleksyon sa malaking kontribusyon ng Bureau. JAY Reyes