Komentarista laslas ang leeg sa kapitbahay

Komentarista laslas ang leeg sa kapitbahay

September 19, 2022 @ 7:45 AM 7 days ago


NEGROS ORIENTAL- Mistulang manok na nilaslas ang leeg ng isang komentarista ng radyo station Power 102.1 DYRY RFM ng kanyang kapitbahay kagabi (Linggo) sa bayan ng Mabinay.

Kinilala ang nasawi na si Rey Blanco, o mas kilala sa kanyang screen name na DJ Blangko, habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Charles Yanoc Amada at kapwa residente sa Brgy. Himocdungon, Mabinay, Negros Oriental.

Batay sa report ng Mabinay Municipal Police Station, dakong alas-6 ng hapon naganap ang krimen sa bahay ng suspek sa nasabing lugar.

Ayon kay Police Maj. Paul Vincent Dumaguing, hepe ng Mabinay Police Station, nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek para kausapin ang kapatid ng huli na si Wilbert Amada.

Sa halip na si Wilbert ang humarap kay Blanco lumabas si Charles at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang suspek ay nilaslas ang leeg ng biktima.

Nagawa naman itakbo sa Mabinay Community Hospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen naabutan pa nila ang suspek at sumama ito sa kanila.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen. Mary Anne Sapico