Komentarista patay sa pamamaril sa Las Pinas

Komentarista patay sa pamamaril sa Las Pinas

October 4, 2022 @ 6:58 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang komentarista sa radyo matapos pagbabarilin sa kanyang minamanehong sasakyan ng isang armadong suspek na nakasakay sa motorsiklo, nitong Lunes ng gabi (Oktubre 3) sa Las Pinas City.

Sa report na isinumite ni Las Pinas police chief PCol. Jaime Santos sa kay Southern Police District (SPD) director PCol. Kirby John Brion Kraft ay kinilala ang biktima na si Percival Mabasa na mas kilala bilang Percy Lapid, komentarista sa kanyang programang Lapid Fire sa estasyon ng radyong DWBL, at residente ng San Beda Homes, Talon Dos, Las Pinas City.

Dead on the spot si Lapid dahil sa kanyang mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Base sa inisyal na imbestigasyon nangyari ang inside the dakong alas 8:30 ng gabi sa kahabaan ng Aria St, Brgy Talon Dos, Las Piñas City.

Ayon sa salaysay ng ilang saksi, minamaneho ni Lapid ang kanyang kulay itim na Toyota Innova na may plakang NGS 8294 nang banggain ang kanyang sasakyan mula sa likuran ng isang kulay puting Toyota Fortuner kasabay ng pagbaril naman ng suspek na nakasakay sa motorsiklo sa biktima na agad nitong ikinamatay.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon matapos ang insidente.

Sa pagdating ng mga Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar ay nakarekober ang mga ito ng dalawang basyo ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril.

Inaalam din ng mga imbestigador kung may CCTV camera na nakakabit sa lugar na makatutulong sa kanilang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan ng mga suspects.

Ayon naman sa manugang ni Lapid, mag-o-online broadcast sana ang kanyang biyenan sa kanilang bahay pero bago pa man makarating ng gate ng kanilang village ay pinagbabaril na si Lapid na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Napag-alaman din na huling napakinggan at napanood si Lapid sa online broadcasting ng kanyang programang Lapid Fire sa DWBL ay noong Setyembre 30. James I. Catapusan