Kompanya buking sa pamemeke ng resibo para bawas-buwis

Kompanya buking sa pamemeke ng resibo para bawas-buwis

December 18, 2022 @ 1:56 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bistado ang modus ng isang kumpanya sa Eastwood, Quezon City, na umano’y namemeke ng mga resibo para bumaba ang babayaran buwis ng kanilang mga kliyente habang bilyon bilyon piso naman ang nawawala sa gobyerno dahil sa naturang ilegal na operasyon.

Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division sa isang opisina ng Brenterprise International Inc. sa isang residential condominium unit.

Pagpasok ng mga awtoridad sa naturang opisina bumungad ang mga computer at sangkatutak na resibong pineke umano para mabawasan ang babayarang tax ng kanilang mga kliyente.

Kaugnay nito makikita din malapit sa kanilang pintuan ang mga nakapaskil ng kanilang layunin, na pamemeke ng mga dokumento ng BIR, at ang pagpapanggap nila bilang mga tauhan ng corporators ng suppliers para sa mga kliyente.

“Kumikita sila ng 0.8% nu’ng amount na pinagawa roon sa resibo. Ginagamit ito upang mabawasan ang pagbayad ng tax nu’ng mga kliyente,” ayon kay Atty. Rehom Pimentel, Agent III ng NBI-Anti-Organized and Transnational Crime Division.

Sinabi pa sa ulat na nakadestino sa bawat area sa Metro Manila at mga probinsya ang kanilang mga courier kapag gawa na ang peke umanong resibo.

Tinatayang aabot umano sa mahigit 1,000 kumpanya ang kliyente ng Brenterprise International sa buong bansa.

Nabatid sa imbestigasyon ng mga awtoridad labing limang taon nang nasa operasyon ang kumpanya, kaya bilyon-bilyong piso na ang maaring lugi ng pamahalaan dahil sa operasyon, bagay na hahabulin naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Kinumpiska ang mga computer at cellphone ng mga inabutang empleyado para makuha ang lahat ng mga data tungkol sa kanilang mga operasyon. Santi Celario