Kompanyang namimirata ng Japanese computer program sinalakay ng NBI

Kompanyang namimirata ng Japanese computer program sinalakay ng NBI

November 20, 2022 @ 4:57 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kompanya na umano’y gumagamit ng Japanese firm computer program na nakabase sa Cebu.

Ayon sa NBI – Cebu District Office, ipinatupad ang Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD), laban sa mga may-ari, empleyado at occupants ng isang kompanya sa Apas Barangay Lahug, Cebu City para sa umano’y illegal access.

Bagamat walang naaresto sa ginawang pagsalakay ngunit nakumpiska ang ilang mga computer units, laptops, removable storage media, servers, at routers.

Ayon sa NBI hinihintay pa ang resulta ng forensic examinations sa mga nakumpiskang computers at electronic devices para sa paghahain ng kaso na may kinalaman sa cybercrime laban sa mga empleyado, may-ari ng kompanya.

Nag-ugat ang operasyon nang makatanggap ng reklamo ang NBI-CEBDO mula sa Japanese corporation na mayroong ibang kompanya ang gumagamit sa kanilang computer program.

Ang naturang Japanese firm ay nakikibahagi sa negosyo ng pagbebenta at pag-export ng mga sasakyan mula sa Japan patungo sa iba’t ibang bansa.

Sa imbestigasyon, natuklasan ng NBI na ang Cebu-based company ang umano’y gumagamit sa customized application at kaugnay na sub-process nang walang pahintulot mula sa Japanese firm. Jocelyn Tabangcura-Domenden