Konduktor, 2 pasahero patay sa acacia

Konduktor, 2 pasahero patay sa acacia

January 4, 2023 @ 9:50 AM 1 month ago


PUGO, LA UNION- PATAY ang konduktor ng Victory Liner bus at dalawang pasahero matapos sumalpok ang bus sa punong acacia, kahapon ng umaga sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Josefino Rombaoa Jr., 28, konduktor, ng Nibaliw East, San Fabian, Pangasinan, mga pasaherong sina Mervilyn Lagmay Fuertes, 26, ng West Tapinac, Olongapo City, Zambales at Hydelene Hufalar Salcedo, 23, ng Biday, San Fernando, La Union.

Sugatan naman ang lima pang pasahero na sina Acheng Kilaban Arsenia, 29, residente ng Kapangan Benguet, Perlito Rillorta Torio, 54, safety officer at residente ng Teachers Camp Baguio City, Ryean Guilalas, 17, at Juliet Gutierrez, 64, kapwa residente ng Beckel La Trinidad Benguet at Lyn Miggol Daluping, 24, kapwa residente ng Kias, Baguio City.

Batay sa report ng La Union-PNP, dakong 10:40 AM ng maganap ang insidente sa Palispis-Aspiras highway Sitio Castilla Ambongan Cares, ng nasabing bayan.

Kwento ng driver ng bus na si David Arcellana Guiriba, 54, tubong Quezon City, nawalan ng kontrol ang bus sa kanang gulong sa likuran dahilan para bumangga ito sa puno ng acacia.

Sa lakas ng pagkakasalpok nawasak ang harapang bahagi ng bus at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang mga biktima.

Nagawa pang dalhin sa La Union Medical Center ang mga biktima subalit dineklara na rin patay ang tatlo.

Ayon sa pulisya, galing Baguio ang bus na may body number 232 at patungong Cubao nang mangyari ang aksidente.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Arcellana para sa tamang dokumentasyon at imbestigasyon./Mary Anne Sapico