Konduktor inararo ng bus sa EDSA, patay!

Konduktor inararo ng bus sa EDSA, patay!

June 8, 2022 @ 7:41 PM 3 weeks ago


Patay ang isang konduktor matapos na masagasaan ng pampasaherong bus habang tumatawid sa EDSA carousel sa Quezon City kagabi.

Kinilala ni Traffic Sector 4 commander PEMS Armando Carr ang biktima na si Romy Cacho Carace, 33 anyos, konduktor ng isang bus company at residente ng Poblacion, Anda, Pangasinan.

Nasa kustodiya naman  ng mga pulis ang bus driver na si Renanthy Viernes Ibarra, 41, at nainirahan sa Santa Ines Centro Santa Ignacia, Tarlac.

Sa imbestigasyon ni Police Corporal Jaime Orpia Jr,   dakong 9:20 ng gabi (June 7) nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng EDSA, tapat ng Genesis Bus Terminal, malapit sa New York St.,  Brgy. Pinagkaisahan, Q.C.

Tumatawid umano ang biktima sa bahagi ng busway, malapit sa New York St., nang mabangga ng isang  bus Volvo City  na may plakang CAV 5890, na  minamaneho ni Ibarra.

Lumilitaw na sa halip na gumamit ng footbridge ay nagpasya na lang si Carace na tumawid sa busway, sanhi upang masagasaan ito.

Naisugod pa ang biktima ng ambulansiya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa East Avenue Medical Center ang konduktor pero  binawian din ito ng buhay pasado 10:00 ng gabi dahil sa grabeng pinsalang tinamo sa ulo at katawan. Jan Sinocruz