Konduktor tigok, 8 sugatan sa suwagan ng bus at trak

Konduktor tigok, 8 sugatan sa suwagan ng bus at trak

August 9, 2022 @ 10:04 AM 2 months ago


ARITAO, NUEVA VIZCAYA-Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang konductor ng Victory Liner Bus matapos itong bumangga sa nakaparadang trailer trak sa National Highway, Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.

Patungong timog na direksyon ang Victory Liner Bus na may body No 8134 at plate No NBD 1466 na minaneho ni Armanso Bautista, 58 anyos, residente ng Pangasinan.

Nang mangyari ang aksidente ay nasa gilid ng daan ang trailer trak na may head tractor No. 1380808883 at trailer bed No. AUA 8299 na nakarehistro sa pangalan ni Ariel Nolasco ng Bayombong Nueva Vizcaya at minaneho ni Amor Feliciano, 40 anyos at residente ng Salvacion, Bayombong Nueva Vizcaya.

Ayon sa isa sa mga pasahero na si Cristine Garcia, nagulat na lamang ito nang gumigilid na ang bus hanggang sa mabangga nito ang llikurang bahahi ng trak. Matapos ang banggaan, buhay pa umano ang konduktor na si Clifford Coronel Adaro at nakausap pa umano ng mga pasahero.

“Nakatayo yung konduktor sa harapang bahagi ng bus ng mabunggo kami hanggang di ko na namalayan kung ano ang nangyari, nakausap ko pa si mamang konduktor pagkatapos ng aksidente at inabot niya yung mga gamit ko ng bumaba na ko ng bus kaya nagulat ako nang sinabing patay na,” saad ni Garcia.

“Ang daming tao sa labas pero nakakasama lang ng loob dahil walang tumulong para makalabas kami, makikita mo na nagvivideo karamihan sa kanila, ako na lang gumawa ng paraan para basagin yung salamin,” dagdag ni Garcia na isa rin sa mga nasugatan sa insidente. Nataranta na umano ng mga pasahero matapos tumagas ang gasolina mula sa bus.

Nasugatan din ng pahinantenng trak na si Ever Legada na naisugod sa Rural Health Unit ng Aritao upang magamot kasama ang iba pang pasahero ng bus.

Inakala ng mga nakakita ng insidente na may pumutok na gulong ang bus subalit pinabulaanan ito ni Garcia.

“Maayos yung bus, walang problema, pero hindi ko alam kung bakit biglang gumewang pagilid yung bus,” sabi ni Garcia.

Sa ngayon ay nasa kritikal pa ang driver ng bus na nailipat sa R2TMC.

Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. Rey Velasco