Kongresista sa mga senador: mind your own business

Kongresista sa mga senador: mind your own business

July 26, 2018 @ 4:06 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Binuweltahan ng mga kaalyado ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang mga senador na bumanat at tumutol dito nang maluklok sa House Leadership.

Ayon kay Mindoro Oriental Rep Doy Leachon na co-equal ang Senado at Kamara kaya hindi dapat manghimasok ang mga senador sa nangyayari sa Kamara gaya ng hindi din pakikialam ng mga Kongresista sa kung ano ang nangyayari sa Senado.

Aminado si Leachon na hindi nya nagustuhan ang mga batikos nina Senator Grace Poe, Antonio Trillianes at Panfilo Lacson kay Arroyo, aniya, sa halip na bumatikos ay dapat respetuhin ng mga senador ang umiiral na interparliamentary courtesy.

“Igalang sana nila ang desisyon at ang boses ng mayorya ng mga kongresista na pinili si ginang Arroyo bilang kanilang lider” pahayag ni Leachon.

Gayundin ang reaksyon nina Butil Partylist Rep Cecille Chavez at Kabuhayan Rep Dennis Loagan.

Giit ng dalawa, kung may personal issue ang ilang senador kay Arroyo ay hindi naman dapat idamay pa ang Kamara, dapat umano ay igalang at ibigay ng mga senador ang courtesy kay Arroyo na hinirang ng Kamara bilang House Speaker.

Bandang huli kapwa sinabi ng mga mambabatas na dapat magmove on na ang lahat sa pangyayari sa Kamara at kasama na dito ang mga senador upang makapagsimula na ng trabaho lalo at kinilala na ng Malacanang at Kamara ang pamumuno ni Arroyo. (Gail Mendoza)