KONGRESMAN, NANINIWALANG MAGBABALIK SI YORME

KONGRESMAN, NANINIWALANG MAGBABALIK SI YORME

June 13, 2022 @ 8:45 PM 2 weeks ago


MALAKI ang kumpiyansa at paniniwala ni Tondo District II Congressman Rolan “CRV” Valeriano na magpapahinga lang ng konting panahon si Mayor Isko Moreno bago mag-isip na muli ng maitutulong sa administrasyon para magtuloy-tuloy na ang kaayusan sa Maynila.

Ibinatay ni CRV ang kanyang paniniwala sa katotohanan na si Yorme pa rin ang lider ng Asenso Manilenyo kaya hindi siya puwedeng mawala kapag nagpulong-pulong ang mga opisyal at miyembro nito para sa mga hakbanging makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga Manilenyo.

Sabi niya, ang puso at isip kasi ni Yorme ay talagang nasa Maynila, kaya hindi matutuldukan ng basta-basta ang mga naiisip niyang magagandang plano para sa mga taga-lungsod. Hindi rin aniya kaila sa marami na ang endorsement ni Yorme ang dahilan kung bakit lahat halos ng mga kandidato ng Asenso Manilenyo ay ibinoto ng mga taga-Maynila, kabilang na siya rito na lumamang ng mahigit 27,000 boto sa pinakamahigpit niyang karibal.

First time aniya na nangyari sa Maynila, simula noong EDSA Revolution na anim na kongresista at 34 sa kabuuang 36 na konsehal ng iisang partido ang nanalo sa halalan at malaking dahilan dito ang pag-endorso ni Yorme.

Sinabi pa ni CRV na bagama’t napakaraming proyekto at programa ang naisakatuparan ni Yorme sa loob ng maikling panahon niyang panunungkulan bilang Ama ng Maynila, marami pa aniyang kakulangan sa inilatag na 10-taong plano para sa lungsod na kailangan nilang tuparin. Tiyak naman aniyang itutuloy ni Mayor-elect Honey Lacuna ang naputol na pagtahak sa wastong landas ni Yorme at kaisa silang anim na kongresista at mga konsehal sa ganitong mga hakbang para sa pag-asenso ng kabuhayan sa Maynila.

Isa aniya sa nais niyang tutukan bilang kongresista ang pagtatayo ng gusali na magiging extension ng Universidad de Manila dahil sa rami ng mga kabataang hindi nakapapasok sa kolehiyo dahil sa kahirapan at kakulangan ng silid-aralan. May nakita na aniya siyang lupa sa 2nd District ng Tondo na puwedeng pagtayuan ng UDM annex bagama’t kailangan nilang humingi ng pahintulot sa pambansang pamahalaan dahil pag-aari ang lupa ng Philippine National Railways.

Sa oras na maisakatuparan ito, makakatulong ng malaki sa may 600 kabataang hindi nakapapasok sa kolehiyo dahil sa maraming kadahilanan. Kaya ang kanyang pondo bilang kongresista ang makapagpatayo ng isang gusali para matulungan ang mga ito, kasama na ang mga nasa ibang distrito.