Kongreso kinalampag sa Expanded Maternity leave

Kongreso kinalampag sa Expanded Maternity leave

August 5, 2018 @ 12:00 PM 4 years ago


 

 

Manila,Philippines – Kinalampag ang Kongreso upang talakayin na ang counterpart bill sa pagpapalawig ng Maternity Leave mula sa dating 2 buwan (60 araw) gagawin na itong 4 na buwan (120 araw) upang mabigyan nang sapat na panahon ang ina na alagaan ang sanggol at sarili.

Hinikayat ni Senador Sonny Angara na muling talakayin ng Kongreso ang counterpart bill ng Expanded Maternity Leave Act  na pinagtibay ng Senado nitong Marso, ngunit nakabinbin sa Kamara.

Tinutukoy ni Angara ang counterpart bill o HouseBill 4113 na nakabinbin sa ikalawang pagbasa noong pang Enero 2017.

“Kapag mas mahaba ang panahon ng maternity leave, magkakaroon ng sapat na oras ang ina na eksklusibong magpasuso ng kanilang sanggol, na kapalit nito, matitiyak ang nutrisyon ng bata. Kung palalawigin natin ang maternity benefits, mapapangalagaan natin ang kinabukasan ng ating bansa,” ayon kay Angara, isa sa pangunahing awtor ng Senate Bill 1305,  na pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa nitong Marso.

Ikinalungkot ni Angara ang 2013 World Health Organization report na umaabot lamang sa 34% ang breastfeeding rate ng Pilipinas para sa mga sanggkot na may edad anim na buwan pababa.

Base naman sa 2015 Nutritional Status of Filipinos, isa sa bawat tatlong batang Filipino na may limang taon pababa ay apektado ng pagkabansot o mas malliit kumpara sa kanilang edad.

“Walang katumbas ang gatas ng ina—both in terms of its nutritional and economic value. Doubling the number of paid maternity leave days would incur costs to businesses and to productivity, but its social and familial benefits far outweigh the costs for sure,” ayon sa mambabatas.

Ang ama ni Angara, si dating Senate President Edgardo Angara, ang awtor ng Republic Act 7600 or ang Rooming-In and Breastfeeding Act of 1992.

Ipinagdidiwang ngayon ng ating bansa ang National Breastfeeding Awareness Month, habang selebrasyon naman ang unang linggo ng Agosto bilang World Breastfeeding Week. Ang tema ngayon ay: “Breastfeeding: Foundation of Life.”

“I call on all fathers to give their full support and encouragement to breastfeeding mothers. We can only imagine how emotionally demanding and physically exhausting breastfeeding can be. Mahalaga na tayong mga tatay ay tumutulong din sa pag-alaga ng ating mga anak. Ibigay natin sa mga nanay ang suporta at pagkalinga na kailangan nila,” ayon kay Angara, na may tatlong anak.

Sa ilalim ng SB 1305, ang 30 araw sa panukalang 120-day maternity leave ay puwedeng ilipat sa alternatibong caregivers kabilang ang ama, common-law partner ng ina at kaanak hanggang ikaapat na degree.

Puwede din makakuha ng ganitong benepisyo ang adoptive parents ng menor partikular ang 30 days parental leave.

“Every mother—or every parent for that matter—should be afforded ample time and opportunity to care for their children. Hindi dapat natin pinalalagpas ang pagkakataong ito na alagaan sila,” patapos ni Angara. Ernie Reyes