Konkretong plano vs climate change, ipinanawagan ni PBBM sa Belgium

Konkretong plano vs climate change, ipinanawagan ni PBBM sa Belgium

December 14, 2022 @ 10:02 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Muling inulit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan ng konkretong plano para tugunan ang climate change.

Binanggit ito ng Pangulo sa isinagawang pulong sa pagitan ng Southeast Asian at European leaders sa Belgium, ayon sa Office of the Press Secretary (OPS).

Sa kanyang naging talumpati sa working lunch na idinaos para sa 10th ASEAN-EU Business Summit, hinikayat ni Pangulong Marcos ang kanyang mga kapwa lider na lumikha ng mas konkretong plano para mapagaan ang epekto ng climate change sa buong mundo.

Magsisilbi rin aniyang instrumento ang summit para sa “stronger and more prosperous” na kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng mga bansa.

Si Pangulong Marcos ay nasa Brussels para dumalo sa Commemorative Summit sa pagitan ng the Association of Southeast Asian Nations at European Union.

Nakatakda namang magdaos ng bilateral meeting ang Pangulo kasama ang mga lider mula sa Belgium, Estonia, the Czech Republic, Spain, Denmark, Germany, Poland, Finland, The Netherlands, at European Union. Kris Jose