Konsehal na bibili ng ulam, pinagbabaril patay

Konsehal na bibili ng ulam, pinagbabaril patay

October 26, 2022 @ 1:35 PM 1 month ago


MAGUINDANAO – Duguan bumulagta ang isang konsehal matapos pagbabarilin ng riding in tandem habang ang una ay bibili ng ulam sa gilid ng kalsada sa bayan ng Datu Montawal.

Kinilala ang biktimang si Datu Montawal Municipal Councilor Mubarak “Moby” Abubakar.

Batay sa report ng Datu Montawal Municipal Police Station, dakong alas-12 ng tanghali naganap ang krimen sa gilid ng National Highway ng Sitio Kurungan, Barangay Pagagawan, ng naturang bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, pagkatapos ng sesyon sa munisipyo nagpasyang umuwi na ang biktima sa kanilang bahay.

Habang sakay ang biktima ng kanyang kulay pula na Mitsubishi pick-up strada at binabaybay ang kahabaan ng naturang lugar ng madaanan ang nagtitinda ng ulam sa gilid ng kalsada.

Bumaba ang biktima ng sasakyan para bumili ng ulam ng bigla na lamang sumulpot ang mga suspek lulan ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa ulo.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon at agad naman isinugod sa ospital si Abubakar subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Nabatid, na si Abubakar ay no. 1 Councilor ng nasabing bayan ikatlong termino na nito.

Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran ikadarakip sa mga ito.

Samantala, nag-alok naman ng P300,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Datu Montawal, Maguindanao Del Sur para sa makapagturo o makahuli sa gunman ni Abubakar. Mary Anne Sapico