Konsehal patay; mayor, misis, 4 pa sugatan sa salpukan ng 3 sasakyan

Konsehal patay; mayor, misis, 4 pa sugatan sa salpukan ng 3 sasakyan

December 26, 2022 @ 7:42 AM 1 month ago


QUEZON, ISABELA-Pinaglalamayan na sa ngayon ng kamag-anak at pamilya ng isang Sangguniang Bayan member habang sugatan ang anim na tao kabilang ang mayor at misis nito sa naganap na karambola ng tatlong sasakyan sa kabahaan ng National Highway sa Brgy. Abut, Quezon, Isabela.

Kinilala ang namatay na SB member na si Candido Andumang, 70-anyos, may asawa at residente ng Brgy. Abut, Quezon, Isabela na minamaneho nito ang kanyang sasakyan na Mitsubishi Estrada na may plakang PQK 455.

Sangkot sa aksidente ang isang Toyota Fortuner na may plakang ABA 1966 na minaneho ni Mayor Jimmy Gamazon Jr. ng Quezon,Isabela, 46-anyos kasama ang misis na si Mercy Gamazon, 44-anyos at kapwa residente ng Arellano, Quezon, Isabela.

Ang pangatlong sasakyan ay Toyota Fortuner na minaneho ni Meireece Ferrer, 30-anyos, self-employed at residente ng Sotero Nuesa, Roxas, Isabela kasama sina Abegail Ronquillo, 24-anyos, Romano Ronquillo, 22-anyos, estudyante at Kevin Ronquillo, 32-anyos, pawang residente ng Bantug, Roxas, Isabela.

Ayon kay PMaj. Joseph Curugan, hepe ng Quezon Police Station na binabagtas ng sasakyan ni SB member Andumang ang hilagang direksyon habang nasa kasalungat o timog na direksyon ang sasakyan nina Mayor Gamazon at Ferrer.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, miscalculation ang sanhi ng nangyaring karambola ng tatlong sasakyan.

Pagewang-gewang ang sasakyan ni SB Member Andumang habang binabagtas ang lansangan na naging dahilan para mahagip nito ang minamanehong sasakyan ni Mayor Gamazon at sumalpok pa sa sasakyan ni Ferrer.

Sa lakas ng impact ay bumaliktad ang sasakyan ni SB member Andumang na nagtamo ng malalang injury sa katawan at idineklarang dead on arrival sa pagamutan ng kanyang attending physician habang ang mga nasugatan ay kasalukuyan nagpapagaling sa hospital.

Napag-alaman di umanoy lasing ang biktima Kung kayat pagiwang-giwang ang pagmamaneho nito hangang sumalpok sa mga kasalubong.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang aksidente. Rey Velasco