Manila, Philippines – Arestado ang isang Konsehal ng Taguig City sa Parañaque nang kakitaan ng 31 tableta ng hinihinalang ecstasy at iba pang mga bagay na umano’y ninakaw niya mula sa hotel.
Kinilala ang Konsehal na si Taguig City Councilor Richard Paul Jordan.
Sa CCTV footage noong Martes bandang alas-7 ng gabi, makikita si Jordan na papasok ng elevator ng hotel na may bitbit na paper bag na kalaunan ay napag-alamang naglalaman ng bathrobe, tuwalya, ash tray at isang iPod speaker.
Ayon sa report ng Parañaque police, ang kabuuan ng ninakaw ng Konsehal ay nagkakahalaga ng P22,000.
Narekober din sa sling bag ng Konsehal ang dalawang zip lock bags na naglalaman ng 31 na tablet ng pinaghihinalaang ecstasy.
“Thirty-one pieces po ‘yung nakita sa kanya. Na-verify na po siya. Dadalhin na po natin ‘yan sa’ting crime lab for a lab test at, initially, nag-positive ‘yon,” sabi ni Parañaque police chief Senior Superintendent Leon Victor Rosete.
Sa ulat noong Sabado (July 7), si Jordan ay sasailalim sa inquest proceedings para sa theft at drug possession na walang piyansa. Haharap rin siya sa kaso para sa “malicious mischief” dahil sa pinsalang ginawa nito sa carpet ng hotel room.
Tumangging humarap sa camera ang Konsehal ngunit ang kaniyang legal counsel na si Neil Allan Rivera ay mariing itinanggi ang mga alegasyon.
“As per my client, there is no truth to the unfounded allegations inordinately lodged against him,” sabi ni Rivera sa isang statement.
“Even if you review his records as a public servant, anyone would see that he remains dedicated to the call of the administration to rid the country from illegal drugs,” dagdag pa niya.
Sa kabilang dako, pinuri naman ng Taguig City government ang mga awtoridad para sa paghuli sa isa sa kanilang konsehal at sinabi pang hindi nila kukunsintihin ang ginawang ito ng konsehal.
“The law should be allowed to take its course, and we expect nothing less than the firm implementation of the government’s hard line stance against illegal drugs,” sabi ng Taguig City government sa isang statement.
Ikinalulungkot nila na ang Taguig City ay nasa unahan ng listahan sa mga siyudad sa Southern Metro Manila na may pinakamataas na bilang ng mga supplier ng iligal na droga.
Nag-isyu naman ng mesahe ang gobyerno ng siyudad para sa mga nagbebenta at gumagamit ng iligal na droga, at sinabing “It’s not too late. We ask you to avail of our programs before the law catches up with you.” (Remate News Team)