Konsepto ng Federalismo, ipalalaganap ng pamahalaan

Konsepto ng Federalismo, ipalalaganap ng pamahalaan

June 29, 2018 @ 8:30 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang  ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na makiisa sa paglalatag ng mabuting epekto ng federalismo sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat Filipino.

Kailangan na maipalaganap ng gobyerno ang konsepto ng federalismo.

Pahayag ito ng palasyo ng Malacañang matapos lumabas sa survery ng Social Weather Stations (SWS) na isa sa bawat apat na Pilipino lamang ang nakaalam sa usapin ng federalismo o ang pagbabago ng kasalukuyang porma ng gobyerno.

“Well I think, everyone in government ‘no should exert more effort in popularizing, number one, the need to shift to a federal form of government; its advantages to the people and its effect on the everyday lives of the common people ‘no. Although, nag-aantay kasi na matapos iyong output ng Constitutional Commission ‘no. At ngayong patapos na sila, talaga namang kasama po sa mandato nila iyong dissemination ‘no at kung bakit sila nagpo-propose ng ganitong mga pagbabago,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Sec. Roque, hindi sapat ang information drive ng pamahalaan tungkol sa federalismo.

“Well apparently, the information drive is not enough. We’ll need to work harder given that the shift to federalism is the cornerstone of the Duterte administration,” ayon kay Roque.

Kasalukuyang naghihintay ang pamahalaan sa magiging output ng Consitutional Commission.

“So sa tingin ko po, expected din ‘yan dahil matatapos pa lamang ang gawain ng Constitutional Commission at inaasahan natin na iyong susunod naman na yugto ng buhay ng komisyon na ‘yan ay iyong pagpapakalat ‘no kung ano iyong mga pagbabago at ano iyong benepisyo sa taumbayan,” aniya pa.

Matatandaang binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Con-Com para pag-aralan ang mga probisyon sa Saligang Batas na kinakailangan na amyendahan.

Samantala, naniniwala si Sec. Roque na bagaman kakaunting Pilipino lamang ang nakaalam sa federalismo, lulusot pa rin ito lalo na’t cornerstone ito ng Duterte administration. (Kris Jose)