KONSERBASYON AT PROTEKSYON SA 274 NA NALALABING TAMARAW

KONSERBASYON AT PROTEKSYON SA 274 NA NALALABING TAMARAW

October 11, 2022 @ 3:53 PM 2 months ago


Batay sa pagtataya ng mga eksperto, mayroon na lamang 274 na nalalabing Tamaraw na nabubuhay at gumagala sa Mindoro island na binubuo ng mga lalawigan ng Occidental Mindoro at Oriental Mindoro, kaya naman sa bisa ng Presidential Proclamation No. 273 ay kinilala ang buong buwan ng Oktubre bilang “Special Month for the Conservation and Protection of the Tamaraw” simula pa noong 2002 sa pangunguna ng DENR o ng Department of Environment and Natural Resources partikular ang BMB o ang Biodiversity Management Bureau. 

Ang Tamaraw na kilala bilang Mindoro Dwarf Buffalo o Bubalus Mindorensis ay isang katutubong hayop na endemic o tanging sa isla ng Mindoro lamang matatagpuan sa kasalukuyan. Ito ay nahahawig sa kalabaw ngunit mas maliliit ang mga binti at sungay nito, at lubhang mabangis at mapanganib lalo na kapag pinapasok ang kanilang teritoryo.

Ang taas nito ay mula 39 hanggang 41 inches, may habang 2.2 meters o 7.2 feet, na ang buntot ay may habang 24 inches, at timbang na 180 hanggang 300 kilos. Sinasabing mas makapal ang leeg ng lalakeng Tamaraw kumpara sa babae. Tumatagal ang kanilang buhay sa loob ng 20 hanggang 25 taon.

Tipikal na pagkakakilanlan nito ang kanilang “V” shape na sungay, na gumagalaw kapag sila ay naaalarma.

Unang na-dokumento ang naiibang hayop na ito noong 1888 at tinatayang mayroon pang 100,000 na bilang noon. Ngunit dahil sa ilegal na panghuhuli, pagkasira ng kanilang tahanan, at pagkakasakit ay kumunti sila na ikinaalarma ng IUCN o ng International Union for Conservation of Nature at isinama sa “Red List of Threatened Species.”

Sa bisa ng Commonwealth Act No. 73 noong 1939 ay ipinagbawal ang pagpatay, pananakit at paghuli sa mga Tamaraw maliban na lamang kung para sa pagtatanggol ng sarili sa oras ng pag-atake nito.

Noon namang 1979 ay binuo ang Tamaraw Conservation Project upang bigyang solusyon ang nakababahalang pagkaubos nito at pagtatatag ng Tamaraw Gene Pool sa Rizal, Occidental Mindoro.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Conservation and Protection Act of 2002 ay mas hinigpitan ang parusang kakamtin ng indibidwal, grupo o korporasyong mananakit sa Tamaraw at iba pang hayop ilang sa alinmang bahagi ng bansa. 

Ayon sa DENR-BMB, may namataang breeding sa paligid ng Mts. Iglit-Baco at Aruyan sa isla ng Mindoro.

Bagamat nalulungkot, buo ang pag-asa ng DENR-BMB na maisasalba pa mula sa pagkaubos ang Tamaraw dahil gagawin ng departamento katuwang ang pribadong sektor ang kanilang lahat ng kakayahan at magagawa para hindi lamang sa lumang piso makikita ang ganitong hayop na “source of national pride” natin.