Konsi patay, abogadong anak sugatan sa road mishap

Konsi patay, abogadong anak sugatan sa road mishap

April 19, 2022 @ 8:21 AM 3 months ago


ILOCOS SUR-Tigok ang isang konsehal ng barangay habang sugatan ang anak nitong abogado matapos ma-sideswipe ng isang Toyota Innova ang kanilang motorsiklo sa Brgy. Curtin, Sinait ng lalawigang ito noong Biyernes Santo.

Kinilala ng Sinait Municipal Police Station ang driver ng kulay itim na Honda TMX motorcycle na si Jerry Villegas y Sarabia, konsehal ng barangay at angkas nitong si Atty. Jerry Villegas Jr., kapuwa residente ng Brgy. Tubigay  ng naturang bayan.

Kinilala naman ang driver ng Toyota Innova na si Valentino Reotutar y Recadio, 69, may asawa, residente ng Brgy. San Jose, Vigan City, Ilocos Sur.

Nabatid na mabilis na rumesponde ang Sinait MPS matapos na makatanggap ng tawag tungkol sa nangyaring aksidente sa national highway sa nabanggit na lugar.

Pagdating nila sa erya ay nakita nila ang mag-amang parehong sugatan na nakahiga doon sa kalsada kaya agad nilang isinugod ang mga ito sa Corpuz Clinic and Hospital.

Gayunman, nalagutan ng hininga ang driver ng motorsiklo habang sinisikap ng doktor na isalba.

Base sa imbestigasyon, ang Honda TMX  ay patungong  hilagang direksyon samantalang ang Toyota Innova ay papunta naman ng timog na direksyon.

Pagdating sa lugar, nag-overtake umano ang Toyota Innova sa isang sasakyan kaya na-sideswipe nito ang Honda TMX motorcycle. Rolando S. Gamoso