Konstitusyon baguhin; Kurakot na politiko, madaling maging bilyonaryo – Digong

Konstitusyon baguhin; Kurakot na politiko, madaling maging bilyonaryo – Digong

April 5, 2022 @ 8:46 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso para sa constitutional amendments.

Sinabi ng Pangulo na dahil sa 1987 Constitution ay naging madali para sa mga kurakot na opisyal ng pamahalaan ang maging bilyoaryo habang nasa public office.

“Sa totoo lang, kailangan natin baguhin. If there is an opportunity for Congress, try to have it done whether by constituent assembly or constitutional convention,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang isinagawang pag-inspeksyon sa evacuation center para sa mga Taal Volcano eruption victims sa Mataas nakahoy, Batangas.

“Itong constitution na ito, madali maging bilyonaryo in public office kung ginusto niya. ‘Yan ang totoo,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, muli namang binira ni Pangulong Duterte ang party-list system sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, sabay sabing ang mga milyonaryo ay bumuo ng sarili nitong party-list groups o bumili ng umiiral ng party- list group.

“The Constitution is not really a perfect one. I would not say it’s the worst Constitution but we have copied that from America word-for-word halos when we established the republic in 1987… ang problem maraming dinagdag at isa itong party-list,” ayon sa Chief Executive.

“Ang lumabas ngayon ito na. Maski sino na lang. Lahat ng mga mayaman…. lahat ng mga milyonaryo may party-list. Agawan sila ng party-list.. yung iba walang party-list binibili nila,”aniya pa rin.

Ani Pangulong Duterte, ang mga party-list representatives mula sa mayayaman at political clans ay tuluyan nang nilubog ang boses ng mga mahihirap at marginalized, na dapat sana’y ay kumakatawan sa party-list system.

“Nakita ko iyong party-list ngayon, mga asawa, mga anak…isang member of Congress, meron rin siyang party-list. Andun ang asawa niya, probably iyong anak niya after this election,” ayon kay Pangulong Duterte.

“Naagaw iyong…what was we conceived to be a mechanism for the lowly Filipinos na andiyan sa daan..for their voices to be heard in the halls on Congress…wala eh,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

“Wala itong pobre,” anito.

Samantala, sinabi ni Pangulong Duterte na walang “total prohibition” ng political dynasties maliban na lamang kapag inamiyendahan ang 1987 Constitution.

“Ako ayaw ko naman. In the sense na if there’s another setup of structure in the constitution, mabuti talagang iba naman. Dapat iba na,” ani Pangulong Duterte.

“Pero if we dwell on the present structure crafted in the constitution, eh wala talagang mangyayari,” lahad ng Punong Ehekutibo.

Nauna rito, tinukoy naman ng Pangulo na hindi naman masama ang political dynasties at mananatili maliban na lamang kung babaguhin ang kultura.

Muli namang inulit ng Pangulo na wala siyang ibang kandidato sa pagka-pangulo na ie-endorso sa May 9 elections maliban sa kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte na tumatakbo bilang bise-presidente.

“Ako, paalis na ako. I am not supporting any candidate except, of course, my daughter. Ako, boboto talaga ako sa anak ko,” anito. Kris Jose