Konstruksyon ng ‘supermax’ prison itinutulak ni Bato

Konstruksyon ng ‘supermax’ prison itinutulak ni Bato

November 15, 2022 @ 6:48 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na dapat i-redirect ng Kamara ang pondo para sa ilang programa ng Department of Justice (DOJ) sa pagtatayo ng super-maximum security prison na nagkakahalaga ng ₱4 bilyon.

“Kung talagang magkaisa, ₱4 billion, magkano ba ang budget ng buong DOJ? Tapyasan natin (ng budget) yung ibang programa. I-rechannel natin doon, i-redirect natin doon sa construction ng correction facility. Tingnan natin,” hirit niya nitong Martes.

Iminumungkahi ng DOJ ang halos ₱26.6 billion budget para sa 2023.

Subalit, sinabi ni Dela Rosa na hindi isinama ng ahensya ang “supermax facility” sa panukala nito, at ipinasa ang problema ng pagpopondo nito sa mga mambabatas.

“If there is a will, there is a way. Political will lang yan kung magkaisa kami na yung budget ng DOJ, pakialaman namin yun,” giit ng senador.

Sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla noong NObyembre 10 na umaasa ang departamento na ilagay ang 2,000 preso sa “supermax” facility na itatayo sa bayan ng Sablayan.

Target ng departmento na makumpleto ito sa loob ng 18 buwan.

Inihayag ni Bureau of Corrections officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. sa panayam nitong Linggo na nais niyang ipatupad ang pagpapaluwag sa New Bilibid Prison at paghihiwalay sa mga preso depende sa krimeng ginawa, kung saan target ilipat ang mga may kasong murder at rape cases sa maximum security facility.

Sinang-ayunan ito ni Dela Rosa, nanawagan sa mga kaukulang ahensya na ipatupad ang Separate Facility for Heinous Crimes Inmates Act, na nagre-require ng “secure, clean, adequately equipped, and sanitary national penitentiary for the custody and safekeeping of offenders convicted of heinous crimes.” RNT/SA