KONTAMINASYON NG UNDERGROUND WATER PINANGANGAMBAHAN  

KONTAMINASYON NG UNDERGROUND WATER PINANGANGAMBAHAN  

November 23, 2022 @ 1:01 AM 2 weeks ago


NITONG nagdaang Sabado, November 19, nakiisa ang Pilipinas sa obserbasyon ng “World Toilet Day” campaign na may temang “Sanitation and Groundwater”. 

Pangunahing pinagkukunan pa rin natin ng potable water ay ang ground water na ayon sa datus ng National Water Resources Board (NWRB) ay 49% ay nagagamit sa mga domestikong pangangailangan, 32% sa agrikultura, 15% sa mga industriya, at 4% na iba pang pinaggagamitan.

Binigyang-pansin ang kahalagahan na magkaroon ng palikuran ang mga pamilyang Pilipino para mapangalagaan ang imbak na tubig sa ilalim ng lupa sa kontaminasyon o pagdumi.

Ayon sa datus ng PSA o ng Philippine Statistics Authority, mayroong 5.64 million na mga pamilya ang walang maayos na banyo sa bansa, at nagsasagawa ng open defecation.

Maliban sa health authorities, malaki rin ang pangamba ng NWRB partikular si executive director Dr. Sevillo David, Jr. sa magiging epekto ng pagkalat ng dumi ng tao sa underground water ng bansa.

Ayon kay Dr. David, lubhang mahalaga na matuto ng tamang sanitasyon ang maraming pamilya para manatiling malinis at mapapakinabangan ang mga imbak na tubig sa kailaliman ng lupa lalo na sa panahon na tuyot ang mga ilog, sapa at lawa dala ng mainit na panahon.

Mataas din ang kaso ng cholera, dysentery, typhoid, at diarrhea lalo na sa mga bata sa mga lugar na walang maayos na banyo o kontaminado ang tubig ng E. coli na tumatagal ng hanggang siyam na araw sa dumi ng tao, habang ang dumi ay aabot ng isang taon bago ma-decomposed ng tuluyan.

Kaya pakiusap ng NWRB, pagtulungan ng mga local government units ang pagseseguro sa pagkakaroon ng banyo sa mga komunidad para mabawasan ang pagdumi ng paligid at ng ating natitirang groundwater.

NWRB ay isang ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa lahat ng katubigan sa buong bansa at nagmomonitor sa paggamit ng tubig, pati na rin sa pagkontrol ng paggamit ng lahat ng uri ng katubigan tulad ng alokasyon, konserbasyon at pag-iingat na kaakibat ang pagsustena sa pagpapaunlad nito sa pamamagitan ng sistema ng water rights.