Kontraktor sa gumuhong scaffolding sa QC site, tigil-trabaho muna

Kontraktor sa gumuhong scaffolding sa QC site, tigil-trabaho muna

October 5, 2022 @ 6:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Quezon City local government unit (LGU) ngayong Miyerkules, Oktubre 5 na pansamantala munang nagtigil-trabaho ang private contractor ng housing project ng lungsod na sangkot sa insidente ng pagguho ng scaffolding kahapon, na kumitil ng isang trabahador.

Ang tigil-trabaho ng A Dela Cruz Builders, contractor, ay upang maayos na makapag-imbestiga ang pulisya sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), bigla na lamang gumuho ang metal scaffolding sa construction site sa Sto. Cristo Street, Barangay Balingasa pasado alas-9 ng umaga na sanhi upang mahulog ang mga manggagawa.

Nasawi sa nangyaring aksidente ang isa sa mga ito na si Francis Azures, 45-anyos at residente ng Barangay Baesa.

10 iba pa ang nasaktan sa nangyaring insidente na pawang nagtamo ng mga minor injuries.

Sa inilabas na pahayag ng Quezon City LGU kahapon, Oktubre 4 ay sinabi nitong nagpaabot na umano ng tulong ang private contractor sa pamilya ng mga biktima.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy kung may pagkukulang ba sa pagsunod sa standard construction protocol at iba pang paraan upang masiguro na hindi na mauulit ito. RNT/JGC