Kontrata sa pool project ng BuCor, walang-bisa

Kontrata sa pool project ng BuCor, walang-bisa

November 18, 2022 @ 1:43 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Walang bisa ang kontrata sa pagitan ng Bureau of Corrections (BuCor) at isang pribadong kompanya sa pagpapagawa ng swimming pool sa New Bilibid Prison.

Ito ang sinabi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, Nobyembre 18.

“Balewala naman ‘yun kasi nga wala namang authority ‘yung secretary of Justice at saka walang authority sa pangulo ng Republika ng Pilipinas,” ani Remulla sa panayam ng DZBB.

“It cannot be considered a valid contract. Kahit maghabol pa sila sa korte… ang tawag diyan unenforceable contract. Unenforceable ‘yan,” dagdag pa niya.

Ang pahayag na ito ni Remulla ay makaraang ipagtanggol ni suspended BuCor chief Gerald Bantag ang pagpapagawa ng swimming pool sa Bilibid at sinabing para ito sa training ng kanilang mga tauhan para sa disaster response.

Ani Bantag, ang proyektong ito ay pinondohan ng ATOM sa isang joint venture agreement sa BuCor.

Dagdag pa, hindi na umano kailangan ng pag-apruba ng dating Justice secretary na ngayon ay si Solicitor General Menardo Guevarra dahil may kapangyarihan siya sa Bilibid.

Matatandaan na kamakailan ay sinabi ni Guevarra na hindi niya alam na may hinuhukay pala sa Bilibid.

Titingnan naman ni Remulla ang pagiging lehitimo ng naturang kasunduan at nagbabala na mananagot ang mga sangkot kung mapatunayan na may paglabag dito.

“Posible. Titignan natin, pag-aaralan. Sa akin kasi it was a scrap of paper from the very beginning na hindi nga puwede,” aniya.

“I thought it was rubbish. It’s a piece of paper that belongs nowhere except the fact that if they wanted to make a proposal it should have been to the process given by our law. Eh, wala naman silang sinunod na batas tapos gusto nila papatulan ko,” dagdag ni Remulla. RNT/JGC