Kontrobersiya sa POGO ‘di tungkol sa kidnapping – Salceda

Kontrobersiya sa POGO ‘di tungkol sa kidnapping – Salceda

September 29, 2022 @ 3:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Albay 2nd district Rep. Joey Salceda na professional poaching ang tunay na dahilan ng kontrobersiya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at hindi ang pandurukot.

“Ano ba yung sinasabi nila na criminality? Ang nangyari lang dyan, may isang POGO, pinayreyt yung workers dyan,” ani Salceda sa pulong balitaan.

Tinukoy ni Salceda sa naturang pahayag ay ang insidente kung saan nilipat ang nasa 200 POGO workers mula Angeles City patungong Pasig City.

“Di na nga kasi nagpapalabas ng Mandarin workers. So nung pinayreyt nung headhunter, nung recruiter, sinumbong. Syempre mga POGO workers dahil may batas sa China na bawal kang magsugal whether inside or outside China…sasabihin, ‘I was kidnapped’,” paliwanag pa ni Salceda.

Hinimok naman ng mambabatas ang pamahalaan na higpitan pa ang regulasyon kaugnay ng recruitment ng POGO workers upang maiwasan ang work poaching o pagkuha ng mga empleyado mula sa isang kompanya patungo sa iba.

“It is human trafficking…’Hoy, kayo lahat, dun tayo, P2,000 a day dun, dyan P1,500 lang’. Di nagpuntahan na. E sinumbong ng isa. Saan ka nakakita na 200 ang kinidnap?,” paghahamon na tanong ni Salceda.

Idinagdag pa niya na ang hindi magandang reputasyon ng POGO sa kasalukuyan ay dahil na rin sa nagpatong-patong na isyu sa illegal POGO, illegal working alients at mga illegal recruiters na hindi pa napaparusahan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR. RNT/JGC