KONTROL SA BUNTIS NA TINEDYER

KONTROL SA BUNTIS NA TINEDYER

January 10, 2023 @ 12:57 AM 2 weeks ago


BUMABABA na umano ang bilang ng mga nabubuntis na tinedyer o may edad 17 pababa sa Pinas.

Mula sa dating 35 kada 1,000 na nabubuntis, ngayon 25 na lang kada 1,000 pero mataas pa rin umano ang bilang ng mga ito.

Lumalabas na isang malaking dahilan ang kakulangan ng malawak at malalim na edukasyon sa sex sa antas ng programang K-12.

Matanong lang natin: Sakop ba ng malawak at malalim na edukasyon ang pagkakaroon ng libre at sapat na suplay ng birth control na materyales para sa lalaki at babae at libre ring konsulta at pagtuturo ng mga medical professional?

Para sa mas malinaw na pag-intindi rito, tingnan natin ang ginagawa ng ibang mga bansa.

Sa France, mula sa 26-anyos pababa na lalaki, libre nilang makukuha ang condom sa mga pharmacy.

Layon nito ang pagkontrol sa sexually transmitted diseases gaya ng tulo, syphilis, human immunodeficiency virus-acquired immunodeficiency syndrome at iba pa.

Pero napakaepektibo na ring pagkontrol nito sa pagbubuntis.

Para sa kababaihan naman na edad 25 pababa, libre rin sa mga pharmacy ang pills at iba pang gamit para mapigilan ang pagbubuntis.

At naririyan ang libreng serbisyo sa tamang paggamit sa mga ito at tiyak na makatutulong nang malaki laban sa pagbubuntis ng mga batang babae.

Sabi ng pamahalaang France, maliit man na hakbangin ang mga ito, makatutulong naman ng malaki para sa malusog na sekswal na buhay ng mga kabataan.

Sa Pinas, may mga libreng pills at condom sa mga public health center at public hospital subalit marami ang umiiwas dito dahil sa kahihiyan.

Hindi kaya pupwedeng tularan ang France na sa pharmacy libre ang condom at mga birth control na gamot at materyales para maiwasan ang mga “marites” sa mga public health center at public hospital?