Kooperasyon sa agrikultura, enerhiya palalakasin ng PH, Australia

Kooperasyon sa agrikultura, enerhiya palalakasin ng PH, Australia

November 20, 2022 @ 8:26 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nais ng Pilipinas na palakasin ang kooperasyon sa bansang  Australia pagdating sa agrikultura at enerhiya.

Ito ang inihayag ni Pangulong  Ferdinand  Marcos Jr. sa bilateral meeting kasama si Prime Minister Anthony Albanese.

Ang nasabing pagpupulong ay isinagawa sa  Queen Sirikit National Convention Center, Sabado ng umaga, sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Thailand.

“We have many, many connections that we, I think, can strengthen and promote further: the areas of agriculture, the areas of renewable energy,” ang naging pahayag ni Pangulong Marcos.

Wala namang iba pang detalye na ipinalabas ang Malakanyang  sa posibleng pagtutulungan ng dalawang bansa.

Sa kabilang dako, sinabi ng Office of the Press Secretary, inihayag ni Albanese kay  Pangulong Marcos na suportado nito ang kanyang posisyon na kailangang tugunan ang climate crisis, itinuturing na isa sa pangunahing hamon sa buong mundo.

“In your closing comments in the Plenary Session that there was a common thing that you and I have to take action on climate change, and we may deal with that. And I’m sure that we can have great cooperation,” ayon sa Australian leader.

Samantala, kabilang naman sa dumalo sa pagpupulong ay sina dating Pangulo at Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, House Speaker Martin Romualdez, at Trade Secretary Alfredo Pascual.

Nakipagpulong din si Pangulong Marcos sa kanyang mga  counterparts mula  China, France, Saudi Arabia, at New Zealand sa panahon ng kanyang byahe. Kris Jose