Kooperatiba ng magsasaka, mangingisda itatatag ng Simbahang Katolika

Kooperatiba ng magsasaka, mangingisda itatatag ng Simbahang Katolika

July 20, 2022 @ 6:59 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ilulunsad ng Simbahang Katolika ang ibat ibang inisyatibo upang tulungan ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.

Binigyang diin ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na tinalakay sa ika-124 na Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Plenary Assembly ang layunin ng simbahan na makatulong sa pagtatag ng mga kooperatiba para sa mga manggagawa sa agrikultura.

Ang hakbang ay upang matutunan ng mga magsasaka at mangingisda ang pag-iipon ng pera at maiwasan ang labis na pag-utang ng dahil sa napakababang palitan ng presyo ng kanilang mga ibinebentang produkto.

Dagdag pa ni Bishop Mallari, paiigtingin din ng simbahan ang pagtugon sa suliranin ng ‘Red-tagging’ na iniuugnay ang mga payak na magsasaka at mangingisda sa mga makakaliwa at rebeldeng grupo.

Una naring ipinangako ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang pagtulong sa sektor matapos personal na makausap ng Obispo ang mga mangingisda at magsasaka  sa isinagawang National Synodal Consultation. Jocelyn Tabangcura-Domenden