Korapsyon kaya kong wakasan dahil nauunawaan ko – BBM

Korapsyon kaya kong wakasan dahil nauunawaan ko – BBM

January 26, 2022 @ 7:41 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni Presidential aspirant at dating Senator Ferdinand Marcos Jr. na kaya niyang wakasan ang korapsyon sa gobyerno.

Giit niya na bilang matagal nang public servant, nauunawaan niya kung paano nangyayari ang korapsyon kaya naman kaya niya itong pigilan.

Sa isang panel interbyu sa dzRH, gagawin nita ito sa pamamagitan ng pagpapalakas sa sistema ng checks and balances para mapigilan ang mga iregularidad.

“Mahaba ang naging karanasan ko bilang public servant. Nakita ko naman kung paano nangyayari ang korupsyon kaya ‘yung checks and balance na tinatawag ng gobyerno, sa ating mga budget, sa ating paggastos sa programa, ay lahat ‘yan ay dapat patibayin,” pauna ni Marcos.

“Nauunawaan ko dahil nakikita ko ang korupsyon na nangyayari, nakikita ko kung paano ginagawa. Kaya siguro mas nakakaunawa ako kung paano aayusin ang problema at bigyan ng solusyon ang problema,” giit niya.

Nang tanungin naman kung paano niya hahawakan ang insidente na kapag ang kanyang Gabinete naman ang nasangkot sa korapsyon.

“Bago tayo kukuha ng tao para uupo sa Kabinete, ay tiyakin naman natin na walang history, walang record ito na katiwalian,” ani Marcos.

Sinabi niya pa na handa niyang ibigay ang posisyon sa Gabinete sa kanyang pamilya lalo na kung tugma at magaling naman sila sa isang partikular na sektor o posisyon.

“The criteria that we should follow is kung sino pinakamagaling na handang tumulong at handang magtrabaho, ‘yan ang ating ilalagay,” giit pa ni Marcos. RNT