KORAPSYON SA BAYANIHAN AT KALAMIDAD LABANAN

KORAPSYON SA BAYANIHAN AT KALAMIDAD LABANAN

September 3, 2022 @ 7:05 PM 1 month ago


NAPAKAGANDA ang bayanihan na kinalakhan ng lahat.

Likas kasi ang pagtutulungan ng lahat ng Pinoy sa lahat ng larangan sa buhay.

Sa kasalan, kamatayan, kahirapan, kaunlaran at iba pa, kitang-kita kung paano buhay na buhay ang bayanihan.

Subalit nakalulungkot-isiping ginagamit na ito ng ilang halang ang kaluluwa.

Lalo na sa pagpapatakbo ng ating pamahalaan.

BAYANIHAN SA BARANGAY

Habang nagkukumahog na ang Commission on Elections sa paghahanda para sa halalang pam-Barangay at Sangguniang Kabataan, bigla nating naalaala kung paano minamaniobra ang bayanihan spirit para sa paggawa ng katiwalian.

Magsisimula ang halalan sa Oktubre 6, 2022 sa pamamagitan ng filing of candidacy ng mga kandidato at sa Disyembre 5 naman mismo ang araw ng halalan.

Pero bago ang halalan, alam ba ninyo na panay ang kayod ng ilang kandidato para magkasalapi nang tiwali?

At kasabwat nila, mga Bro, ang mga taga-pamahalaang bayan, lungsod, panlalawigan at panrehiyon.

Kabilang sa mga pinagkakaperahan ng mga hudas na ito ang bayanihan spirit.

SUMBONG NG MGA KAPITAN

Sabi ng mga ayaw sumabit sa korapsyon, sa nakaraang mga buwan, marami ang mga proyekto na dinaraan sa  bayanihan.

Ke pambarangay, pambayan, panlungsod, panlalawigan o panrehiyon ang mga ito.

Bulong ng mga kapitan, malaking halaga ang inilalaan sa labor o pasahod sa mga obrero para sa mga proyekto.

Pero sa halip na gastusin ang mga pondo para sa mga obrero, anak ng tokwa, nanawagan ang mga opisyal ng barangay, munisipyo, lungsod, lalawigan at rehiyon ng bayanihan spirit.

Malalaking halaga ang kinukupit at pinaghahati-hatian ng mga korap na opisyal dito.

Halimbawang may P200,000 proyektong pambarangay, nasa 30 porsyentyo ang pasahod dito at kung ganu’n nasa P60,000 ang kinukupit.

Maliit lang naman ang pinaparte ng mga korap na kapitan at mga korap niyang mga kagawad.

Pero para sa mga mas matataas na opisyal gaya ng mga mayor na may 20 barangay sa kanyang bayan, aba, P2.4M ¬†‚Äėyan na tumataginting.

Haping-hapi sina mayor, konsehal at iba pang mga opisyal sa dibay-dibay riyan.

PANG-ELEKSYON NI KAPITAN

Bagama’t bawal ang pakikilahok ng mga matataas na opisyal sa halalang B/SK, lantad na lantad naman ang pag-aalaga nila ng mga opisyal ng barangay o kandidato nila.

At kailangang manalo ang kanilang mga bata sa barangay upang matiyak nila ang kanilang panalo sa mga halalang para naman sa kanila sa mga susunod na panahon.

Nanggagaling sa kita sa bayanihan spirit ang ipinabubulsang pondong pangampanya ng mga kandidato sa halalang B/SK.

Kita n’yo, mga Bro?

BANTAYAN SILA

Galing mismo sa kaban ng bayan ang minamaniobrang bayanihan para magkaroon ng pondo ang mga kandidato.

Dapat malantad at mapigilan ang ganitong korapsyon upang hindi patuloy na gagawin ng inihahalal nating mga lider ng bansa.

Makatutulong din ng malaki ang paglalantad at pagpigil sa korapsyon para sa mga mamamayan na sumasali sa mga bayanihan.

Makasasahod ang mga obrero sa mga proyekto at mapigilan ang paggastos ng mga mamamayan mula sa sarili nilang bulsa na hindi naman talaga nararapat.

Lalo ngayong panahon ng kahirapan at kalamidad.