KORAPSYON SA PHILHEALTH TULDUKAN NA

KORAPSYON SA PHILHEALTH TULDUKAN NA

August 7, 2020 @ 12:09 AM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Matapos ang pagkakabunyag ng isyu sa umano’y iregularidad sa PhilHealth kaugnay ng dialysis treatment nitong nakaraang taon, ito naman at bumungad ang panibagong anomalya na kinasasangkutan ng P15 billion na pondo ng ahensya.

Tila ba may mali sa sistema ng PhilHealth at naipagpapatuloy pa rin ang ‘di naaayong gawain sa loob nito na dapat nang tuldukan dahil malaki ang papel na ginagampanan nito pagdating sa ayudang pangmedikal nating mga Filipino.

Sa pagkakataong ito nga na humaharap ang bansa sa isang pandemya, marami sa ating mga kababayan ang umaasa sa benepisyong kanilang maaaring makuha kung sila man ay tamaan ng COVID-19 bilang bunga ng ilang taon o dekada nilang pagbabayad ng kontribusyon sa PhilHealth.

Kaya naman nakapanlulumo talagang marinig na maaari pang tuluyang maubos ang pondo ng PhilHealth sa 2022 dahil sa laki ng inilabas nitong pera dahil sa pandemya at bumaba rin ang koleksyon ng ahensya, ayon sa isang opisyal nito.

Kung sakaling mangyari ito, paano na lang ang ating mga kababayang sa PhilHealth umaasa sa sandaling sila ay magkasakit at maratay sa ospital dahil ‘di biro ang gastusing pangmedikal ngayon lalo kung ikaw ay maooperahan o magkakaroon ng malubhang sakit.

Nanawagan naman si Senator Bong Go sa Ombudsman na imbestigahan ang mga anomalya ng korapsyon sa PhilHealth upang mapanagot ang mga tao sa likod nito dahil hindi nga naman katanggap-tanggap na lumiliit na nga ang pondo nito dahil sa kasalukuyang lagay ng pandemya sa bansa ay pinagsasamantalahan pa ito.

Muli rin niyang pinaalalahanan ang mga opisyal ng PhilHealth na huwag sayangin ang perang mula sa buwis ng taumbayan na kahit pa piso ay hindi dapat mapunta sa korapsyon dahil napakahalaga ng pera ngayong patuloy ang laban ng bansa kontra COVID-19.

Isa ang PhilHealth sa bukambibig ng ating mga kababayan sa oras ng kagipitan. Nawa’y hindi tuluyang mahinto ang benepisyong ibinibigay nito dahil isa ito sa mga ahensya ng pamahalaan na tunay na nagtutulay sa ating mga kababayan upang makatanggap ng libre o abot-kayang serbisyong medikal.

Sa unti-unting pagkakabunyag ng mga anomalya sa sistema ng korapsyon sa PhilHealth, umaasa tayong sa administrasyong ito ay tuluyang matutuldukan ang mga ito upang mas maraming Filipino pa ang maserbisyuhan ng ahensya lalong-lalo na ang mga kababayan nating walang kakayahang tustusan ang pagpapagamot ng kanilang karamdaman.


  •  
  •  
  •  

Loading...