Koreano napatay ng 2 holdaper sa Pasay

Koreano napatay ng 2 holdaper sa Pasay

December 3, 2022 @ 7:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Holdap ang naging dahilan ng pagkakapatay sa isang Korean national matapos barilin ng isa sa dalawang suspects na puwersahang kumuha ng kanyang bitbit na bag sa kahabaan ng Roxas Boulevard Service Road, Barangay 13, Pasay City nitong Biyernes Disyembre 2.

Sinabi ni Pasay City police chief P/Col. Byron Tabernilla na sa mabilis na pagsasagawa ng follow-up operation ay agad na nadakip ang isa sa mga suspects na kinilalang si Jerome Quiñones Caratao na aksidenteng maiwan sa kanyang pagtakas ang kanyang cellphone sa lugar ng pinagyarihan at positibong matukoy rin ito ng kanyang pamilya pati na rin ng kanyang kinakasama.

Patuloy namang pinaghahanap ng Pasay City police ang kasamahan ng inarestong si Caratao na kinilalang si Prince Eleazar Datinguinoo Tupas.

Base sa isang report na natanggap ni Tabernilla, nangyari ang insidente dakong alas 4:23 ng umaga sa harap ng No. 2302 Lacson Residence Building sa Service Road, Roxas Blvd., Brgy. 13, Pasay City.

Sa video footage na ipinakita ni Tabernilla ay makikita na naglalakad na mag-isa ang biktima sa kahabaan ng Roxas Boulevard Service Road southbound patungo ng Arnaiz Avenue habang nanggaling sa kanyang likuran na tumatakbo ang isa sa mga suspects na nakasuot ng kulay itim na jacket at nang abutan ang biktima ay pilit na kinukuha ang kanyang bitbit na bag.

Nanlaban pa si Hoon ngunit hindi niya akalain na mayroon pang isang kasabwat na nakasuot ng kulay puting t-shirt na armado pa ng baril ang suspect na umaagaw sa kanyang bag at nang hindi ito bumibitaw sa kanyang bag ay pinutukan ito sa kanyang likuran.

Dito lamang nakabitaw sa kanyang bag si Hoon na bumagsak na sa kalsada matapos siyang paputukan sa likod habang mabilis namang nagsitakbo patakas ang dalawang suspects patungo sa Williams Street kung saan sumakay ang mga ito sa kanilang getaway tricycle.

Ayon kay Tabernila, habang naka-duty ang saksi na si security guard Jeffrey Tendero y Lagrimas ng Lacson Residence na matatagpuan sa No. 2302, Residential House, Service Road, Roxas Blvd. Pasay City, ay nakarinig siya ng isang putok ng baril at nang kanyang puntahan ang pinanggalingan ng putok ay kanyang Nakita ang biktima na duguang nakabulagta sa kalsada.

Makalipas ang ilang minuto ay dumating naman ang mga security personnel ng Department of Foreign Affairs (DFA) na siya namang tumawag sa Pasay police Sub-Station 1 para humingi ng assistance ng pulisya.

Agad na rumesponde ang mga tahan ng Sub Station 1 kabilang ang mga miyembro ng IDMS Pasay CPS sa lugar ng pinangyarihan na nagdala sa biktima sa ospital ngunit hindi na ito umabot pa ng buhay sanhi ng tama ng bala sa kanyang likuran.

Nahaharap sa kasong robbery with homicide si Caratao na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police habang patuloy namang pinaghahanap sa follow-up operation ang isa pang suspect na si Prince Eleazar Datinguinoo Tupas na kasalukuyang pa ring nakalalaya. James I. Catapusan