Korupsyon sa NYC ibinunyag, Cardema pinagbibitiw

Korupsyon sa NYC ibinunyag, Cardema pinagbibitiw

September 28, 2022 @ 2:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Kabataan Rep Raoul Manuel na ipagpaliban ng Kamara ang pagpasa sa 2023 budget ng National Youth Commission (NYC) hanggang sa hindi nagbibitiw ang Chairman nito na si Ronald Cardema.

Kasabay nito hiniling ni Manuel sa administrasyon na silipin ang paraan ng pamumuno sa NYC ni Cardema na nagkakaroon ng mismanagement at malawakang korupsyon.

Ang panawagan ni Manuel ay ginawa nito sa naging pagdinig ng House Appropriations Committee sa budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), aniya, walang saysay ang deliberasyon sa budget ng NYC kung si Cardema ang namumuno ng ahensya.

“There have been numerous issues hurled at NYC, from audit reports stating unnecessary expenses and too much snacks, lost prepaid cards, and other claims of resource wastage but the NYC management has supposedly not addressed these problems. We call for the resignation of the NYC Chairperson Ronald Cardema, kung hindi po siya mag-reresign dahil kumakapit siya sa kanyang posisyon dapat palitan na siya,” paliwanag ni Manuel.

Giit ni Manuel na iba na dapat ang iaapoint sa NYC gayunpaman giniit ni Leyte Rep. Carl Cari na syang nagsponsor ng budget ng DILG na wala sa kanilang kamay ang pagpapatalsik o pagpapalit kay Cardema dahil nasa kapangyarihan ito ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sinabi ni Minority Floor Leader Marcelino Libanan na dahil sa mosyon ni Manuel ay maantala ang pagpasa sa budget ng DILG at attahed agencies nito subalit bandang huli ay napagkasunduan na ipasa ang budget at ang reklamo sa NYC ay sisilipin ng Kamara.

Binawi ni Manuel ang mosyon nito at nangako ang House Committee of Appropriations na gagamitin nito ang kanilang oversight power para tignan ang paggamit ng pondo ng NYC gayundin ang katiwalian sa loob ng ahensya. Gail Mendoza