KOTONG SA KALUSUGAN, KARUMAL-DUMAL—DRA.PADILLA

KOTONG SA KALUSUGAN, KARUMAL-DUMAL—DRA.PADILLA

December 14, 2021 @ 3:04 PM 10 months ago


WALA nang mas lalala pa sa katiwalian sa sistemang pangkalusugan.

Ito ang masaklap na isiniwalat ni Partido Reporma senatorial candidate Dra. Minguita Padilla.

“Ito ay isang klase ng katiwalian na direktang nakamamatay. Ang masaklap nito, nangyari ito sa kasagsagan ng pandemya,” ani Padilla.

Si Padilla ay isang ophthalmologist at co-convenor ng grupong Doctors for Truth and Public Welfare at mismong pinili ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson para sa senatorial slate ng Partido Reporma dahil sa kanyang paninindigan at pakikiisa sa adbokasiya ng partido laban sa korapsyon at katiwalian sa gobyerno.

Sinabi ni Padilla na isang malaking “kotong” ang naganap mula sa ilang hanay ng mga opisyal ng gobyerno na nagdulot ng kahirapan at ikinamatay ng maraming Pilipino nitong nakaraang halos dalawang taon.

Inilahad ng doktor na bukod sa overpricing ng test kits, equipment, PPEs, at ambulansiya, “nariyan din ang mga malapit nang mag-expire na gamot na binayaran natin nang buo.”

Matindi aniya ang corruption ng ilan sa PhilHealth at kung saan-saang bank accounts napupunta ang mga premium payments. “Mabuti at nahalungkat ni Senator Ping Lacson ang katotohanan sa Senate hearings,” dagdag niya.

Bilang isang doktor, nakita mismo ni Padilla kung paano nahirapan ang health sector nang magsimulang kumalat ang COVID-19 sa bansa. Nakalulungkot na imbes na tugunan ang problema ng pagkalat ng COVID-19, inuna pa ng ilan sa gobyerno ang “mag-isip kung paano kumita sa gitna ng pandemya.”

Noong 2015 ay tumestigo siya sa Senate Blue Ribbon Committee at sinabing bagama’t karamihan ng nasa PhilHealth ay tapat sa tungkulin, sadyang may ilang tiwali sa kanilang panunungkulan bilang public servants.

May mga kumukuha ng porsiyento ng bayad sa mga doctor at ospital na nag-aabuso sa PhilHealth, tapos ay ginigipit ang ilang ospital na hindi ‘kasosyo’. Talagang nakotongan tayong lahat.

Ayon kay Dra. Padilla, mayroong mga kaso ng advanced payment sa mga ospital gamit ang COVID-19 funds. Mayroon ding health centers umano na nabibigyan ng pondo kahit hindi naman COVID-19 centers.

Sangkot din, aniya, ang ilang lokal na pamahalaan kung saan ibinebenta sa barangay ang mga gamot na dapat sana ay ibigay nang libre sa mga residente.

At ito ang mga dahilan kung bakit kumilos si Padilla, kasama ang ilang doktor, sa panahon ng pandemya upang makalikom ng pondo na pambili ng mga PPE, kumot, electric fan, at maging washing machine para sa mga medical frontliner na kulang na kulang ang suportang natanggap.

Ito rin, aniya, ang nag-udyok sa kanya upang tumakbo bilang senadora sa darating na halalan sa susunod na taon.