Kotse napitpit ng truck, mag-ina sugatan

Kotse napitpit ng truck, mag-ina sugatan

July 11, 2021 @ 12:03 PM 1 year ago


Bulacan-Sugatan ang mag-inang lulan ng kotse na napitpit matapos maatrasan ng 10 wheeler truck na kargado ng bigas at tumirik sa gitna ng matirik na kalsada ng San Jose Del Monte (SJDM) kahapon-hapon.

Nakilala ang mag-inang sugatan na sina Joanna Torrefiel,36,online seller at anak na 16 anyos na babae kapwa residente Brgy.San Vicente,Sta.Maria.

Nahaharap naman sa kaukulang kaso ang truck driver na si Rimus Regalado,42 at residente ng Brgy.Kaypian,SJDM.

Sa report ng SJDM police,nangyari ang aksidente bandang 3:30 pm,July 10 sa Crossing ng Brgy.Muzon.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon,habang ginagawa ang nasiraang truck sa gitna ng kalsadang pataas nang aksidenteng umatras ito pababa.

Naatrasan nito ang kotseng Toyota Vios na may plakang NGB 7908 hanggang sa mabangga pa nito ang Grill store sa lugar.

Agad naman isinagawa ang rescue retrieval operation sa mag-inang naipit sa loob ng kotse habang nakadagan ang likurang bahagi ng truck.

Nang mailabas ang mag-inang may sugat sa ulo at katawan ay agad isinugod sa Ospital ng lungsod San Jose Del Monte.

Nabatid sa report na sumailalim sa CT scan ang anak dahil sa sugat sa ulo habang inilipat naman sa ibang ospital ang ina dahil sa kanyang mga tinamong sugat.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng mga napinsalang ari-arian sa lugar. Dick Mirasol III