Kotse tinadtad ng bala, 3 sakay todas!

Kotse tinadtad ng bala, 3 sakay todas!

February 2, 2023 @ 12:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tinadtad ng bala ng dalawang lalaking suspek ang tatlong biktima sa Don Carlos Village Pasay City pasado hatinggabi ng Lunes.

Idineklara ng Scene of Crime Operatives (SOCO) na dead on the spot (DOs) ang tatlong biktimang kinilalang sina Philip Jay Tan, Richard Kevin Delos Reyes at Lilian Tan.

Sa salaysay ng ilang testigo, sakay ng kulay puting Honda Civic na may plakang BCX-860 ang tatlong biktima, halos isangdaang metro ang layo galing ng Airport Road, Pasay City papasok ng Don Carlos Village pasado hatinggabi nang biglang paulanan ng bala ng dalawang suspek na kapwa naka-bonnet.

Sa inisyal na obserbasyon ng mga awtoridad, si Lilian Tan ang talagang pinuruhang barilin ng mga suspek base sa tama ng mga bala sa kanang bintana sa harapan ng kotse.

Tinitingnan din ang anggulo na katransaksyon ng mga biktima ang mga suspek dahil bukas ang bintana sa bahagi ng driver’s side.

May posibilidad din umanong first time ng mga biktima sa lugar dahil sa paggamit ng WAZE.

Sinikap din umano ng driver na matakasan ang mga suspek kaya bumangga ito sa gawing kaliwa ng kalsada malapit sa ilog, at nagtamo rin ng mga tama ng bala ang likuran ng kotse , at sa kaliwang bintana sa likod na kinauupan ng isa pang lalaking biktima.

Nakuha sa loob ng sasakyan ang isang caliber .45 na baril at isang sachet ng hinihinalang shabu sa biktimang si Philip Jay Tan.

Blangko naman ang mga imbestigador sa motibo ng pamamaslang at inaaalam pa kung may nakuhang footages ang alinmang closed circuit television camera sa lugar malapit sa gate ng depot ng LRT 1. Dave Baluyot