Kpop star tinaga sa taxi, pinalagan ng LTFRB

Kpop star tinaga sa taxi, pinalagan ng LTFRB

October 9, 2022 @ 9:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinalagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paniningil ng sobra-sobra sa miyembro ng Kpop group na Seventeen na bumisita sa bansa noong Setyembre.

Kamakailan ay sinabi ng miyembro ng grupo na si Joshua na nalaman niyang tatlong beses palang mas mataas sa presyo sa metro ang siningil sa kanyang P1,000 ng taxi driver na nasakyan nito.

“Kailanman ay hindi katanggap-tanggap sa LTFRB ang ganitong panloloko ng mga PUV drivers sa kanilang mga pasahero – lokal man o dayuhan,” pahayag ng LTFRB.

Nagpaalala naman ang ahensya na mahigpit na sundin ang mga alituntunin at polisiya sa mga PUV driver at operator dahil tiyak na sila’y maparurusahan kapag nahuling lumalabag.

“Pinapaalala ng LTFRB sa mga PUV driver at operator na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensya upang mapabuti ang pagseserbisyo sa publiko. Ang sinumang mahuhuling lalabag sa mga ito ay papatawan ng karampatang parusa(ng)… Tulad ng pagbabayad ng multa at pagkansela ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC),” sinabi ng LTFRB.

Sa kabila ng pahayag ng Seventeen member, nilinaw naman niyang hindi niya sinasabing masama ang bumisita sa Maynila kundi ipinaalala lamang niyang paghandaan ang bakasyon na gagawin upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. RNT/JGC