Kredibilidad ni Estorial nais subukin ng kapatid ni Percy Lapid

Kredibilidad ni Estorial nais subukin ng kapatid ni Percy Lapid

October 18, 2022 @ 6:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hiniling ng kapatid ng pinaslang na broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa ang crime scene walkthrough sa confessed gunman na si Joel Estorial.

Inihayag ng beteranong mamamahayag na si Roy Mabasa na nais niyang makipagkita sa suspek na itinuro ang tatlo pang kasabwat– ang magkapatid na si Edmon at Israel Dimaculangan, at isang “Orlando” – sa krimen.

“Iyon ang request ko sana that I’ll be given the chance to confront the suspect. And to, siguro, have him undergo the walkthrough sa scene of the crime. Gusto ko ma-test iyong kanyang credibility para lang maalis ang agam-agam ng tao,” aniya.

“I would like to confront the suspect, also because I want him to narrate to us kung paano nila ginawa iyong karumal-dumal na krimen. That’s the only way to convince not just me but the whole world who is watching over this development in the case,” dagdag niya.

Bagama’t nagpapasalamat si Mabasa sa mga pulis na nakabantay sa labas ng bahay ng kanyang kapatid upang protektahan ang kanilang pamilya, iginiit niya na kailangang higpitan ang seguridad dahil hindi pa nahuhuli ang mastermind at iba pang suspek sa pagpatay sa kanyang kapatid.

“Since all these suspects — the mastermind, the middle man na sinasabi nila, kung totoo man — ay still on the loose, mas lalong malaking banta ito sa seguridad ng buong pamilya. Hindi lang iyong mga anak at asawa [ni Percy], pati ako kasi ako naman iyong humaharap sa kasong ito. Malaking banta sa amin iyan hanggang nasa labas iyang mga iyan,” aniya.

Magugunitang pinatay si Lapid, kritiko ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong Oktubre 3 sa ambush malapit sa entrance sa isang village sa Las Pinas City kung saan siya nakatira.

“Lapid Fire” ang kanyang catchphrase sa DWBL 1242, at kilala siya sa kanyang maanghang na mga komentaryo ukol sa polisiya sa gobyerno. RNT/SA