Krimen lumagapak ng 20% nitong Dis. 2021- PNP

Krimen lumagapak ng 20% nitong Dis. 2021- PNP

January 2, 2022 @ 4:00 PM 8 months ago


MANILA, Philippines- Bumaba ng 20 porsyento ang krimen sa bansa mula Disyembre 1 hanggang 27, 2021, kumpara sa parehong panahon noong 2020, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.

Inilahad ni PNP spokesperson Police Colonel Roderick Augustus Alba sa dzBB na maaaring dahil ito sa mas pinaluwag na COVID-19 restrictions nitong 2021.

“Ito ay na-attribute hindi lang sa ating kapulisan kundi sa cooperation ng ating kababayan. Naririnig nila ‘yung panawagan ng ating gobyerno particularly the PNP, to address criminality, firecracker incidents, tsaka itong indiscriminate firing sa pagpasok ng bagong taon,” aniya.

Sinabi ng PNP nitong Sabado na walang naiulat na kaso ng stray bullet-related deaths sa pagsalubong ng Bagong Taon. Subalit iniimbestigahan na umano nila ang umano’y apat na stray bullet incidents sa Ilocos, Calabarzon, Northern Mindanao, at Cordillera Regions.

“Since wala tayong record, report coming from the uniformed service na nagpaputok ng baril, this came from the civilians. ‘Yon ang unang theory ko on my part,” sabi ni Alba.

Ibinahagi naman ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos na magbibigay ang National Support Units sa lokal na pulisya ng forensic at technical support sa kanilang mga imbestigasyon.

Katulad noong isang taon, hindi sinelyuhan ng PNP ang gun muzzles ng mga pulis sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Mayroon ding naiulat na 68 karagdagang firecracker-related injuries nitong Linggo, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).

Sa kabila nito, iginiit ni Alba na “generally peaceful” ang naging pagsalubong sa Bagong Taon. RNT/SA