KRIMEN SA M.M. BUMABA, SALAMAT SA S.A.F.E. NCRPO

KRIMEN SA M.M. BUMABA, SALAMAT SA S.A.F.E. NCRPO

December 6, 2022 @ 8:16 AM 2 months ago


PAGKAUPONG-PAGKAUPO ni P/BGen. Jonnel Estomo bilang acting regional director ng National Capital Region Police Office, kaagad niyang inilunsad ang kanyang programang S.A.F.E. NCRPO kung saan nangangahulugan itong ‘the police must be Seen, all programs must be Appreciated by the people, all program must be Felt by the people, and all actions must be Extra ordinary ” na nagresulta sa pagbaba ng krimen sa Kamaynilaan.

Inilunsad ni Estomo ang kanyang programa noong Agosto 26 kaya’t pagdating ng Setyembre hanggang sa kasalukuyan, bumaba ang kriminalidad sa Metro Manila bunga na rin ng kanyang pagpapalakas ng police visibility hindi lang sa mga pangunahing lansangan subalit sa lahat ng sulok ng komunidad.

Iniyabang pa ni Estomo na ang kanyang programa ay mararamdaman sapagkat habang tulog ang mamamayan ay nagbabantay naman ang mga pulis para sa kaligtasan ng lahat na nasa pamayanan.

Ipinakikita ng datos na hamak na mataas ang mga naitalang krimen Nobyembre noong nakaraang taon at noong 2020 kaysa sa taong kasalukuyan kung kailan ang namumuno sa pangangalaga ng kapayapaan sa Metro Manila ay si Estomo, miyembro ng Philippine Military Academy class of 92.

Maraming opisyales ng barangay o pamayanan ang humanga sa husay nang pagpapatakbo ng hepe ng NCRPO kaugnay sa kapayapaan at kaayusan sapagkat marami siyang inilunsad na proyekto para sa kapakanan ng mga tao tulad ng S.A.F.E. NCRPO App kung saan sa halip na tawag sa telepono o mobile phone ng mga taga-barangay, ay isang pindot lang at tutugon na ang pinakamalapit na presinto sa nagaganap na krimen at maging ang NCRPO Tactical Operation Center ay kaagad na tutugon.

Samantalang ngayong paparating ang Pasko at Bagong Taon, nasa 14,000 pulis ang ipinakalat sa Metro Manila upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa pagdiriwang ng mga nasabing okasyon lalo na sa mga aktibidad na isasagawa kaugnay ng pagdiriwang tulad ng Simbang Gabi at Misa de Gallo.

Handang-handa naman ang lahat ng distrito na bahagi ng NCRPO – Manila Police District, Eastern Police District, Quezon City Police District, Northern Police District at Southern Police District sa pagpapatupad ng mga plano upang mapigilan ang mga krimen.

Bukod pa rito, dinoble pa ng NCRPO ang pagsisikap sa pagpapalaganap ng KASIMBAYANAN (KApulisan, SIMBAhan, at PamaYANAN) na naglalayon magkaroon ng synergized partnership sa publiko at sektor ng relihiyon tungo sa pagpapabuti ng serbisyo publiko.

Ang lahat ng pulis ay obligadong makipag-ugnayan sa pamayanan para sa kaligtasan ng lahat.