KRIMEN SUMISIRA SA DISKARTE SA HANAPBUHAY

KRIMEN SUMISIRA SA DISKARTE SA HANAPBUHAY

December 5, 2022 @ 11:50 AM 2 months ago


HINDI dapat pabayaang mamayani ang krimen sa kalsada at kahit saanmang lugar.

Sinasabi natin ito kaugnay ng mga krimen na nagaganap sa mga lansangan na nakasasama sa isinusulong mismo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pagbabago at pagpapaunlad ng Pilipinas.

Makasisira ang mga krimen, halimbawa, sa turismo at dayuhang pamumuhunan.

Kung may mapatay o maholdap na dayuhang turista at negosyante, aba, labis na makasisira ito sa pagpapagod at pagpunta-punta mismo ni Pang. Marcos sa iba’t ibang bansa para manghikayat ng mga dayuhan na mamasyal o kaya’y magtayo ng negosyo sa atin para sa kapakinabangan nating lahat.

HOLDAP SA MAYNILA

Kamakailan lang, nadakip ng National Bureau of Investigation ang tatlong taxi driver na nanghoholdap sa mga dayuhan sa Maynila.

Sinabi ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division na nahuli nila sina Darryl Eugenio, Ramil Talampas at Ryan Espadero nanghoholdap ng mga dayuhan sa gabi sa Malate.

Kunyaring naghahanap ng mga pasahero ang mga anak ng putakteng ito at kapag nakapagsakay na sila, dito na isinasagawa ang panghoholdap.

Eh panturismong lugar ang Malate na talaga namang dinadayo ng mga dayuhan.

Nagpapasalamat naman tayo na may concerned citizens na tumutulong sa pagsugpo sa mga kriminal na ikinadarakip ng mga ito.

Nakumpiska sa kanila ang tatlong baril, bala at granada na gumagamit ng tatlong taxi.

Sa paggamit ng tatlong taxi, aba, maaaring mas marami ang biktima nila at mas madali nilang iligaw ang mga awtoridad sa paghahabol sa kanila para hindi sila madaling matunton, mahuli at maparusahan.

Dapat na ring malaman kung may napatay na ang mga ito o makakasuhan ng kidnapping na rin na walang piyansa para hindi makalabas ang mga ito at magpatuloy sa paninira sa imahe ng Pilipinas na pinagtutulungan nating ipakita sa mga dayuhan na bansang mapayapa at magandang pasyalan at paglagakan ng puhunan.

PAGPATAY SA PASAY

Nitong nagdaang mga araw din, madaling araw nang holdapin at barilin hanggang sa mamatay ang negosyanteng Koreanong si Lee Seung Hoon, 45, sa Pasay City.

Mabilis na nadakip ng mga tauhan ni Col. Col. Byron Tabernilla sina Jerome Quinones Caratao sa Primero de Mayo, Barangay 90, Pasay City at Prince Eleazar Datingguinoo Tupas sa Barangay Landayan, San Pedro, Laguna.

Ginawa nina Caratao at Tupas ang krimen sa service road ng Roxas Boulevard, sa harapan ng Lacson Residence, Pasay City.

Sa CCTV, malinaw na nakitang inabangan ang biktima na mga holdaper saka isinagawa ang panghoholdap at pagbaril sa biktima nang manlaban ito at hindi payagang maagaw ang dala nitong bag.

Makaraan ang krimen, tumakbo ang mga ito at sumakay ng traysikel patungo sa Williams Street.

Ang maganda, umaksyon agad ang mga pulis at sa 24, nadakip ang dalawa sa pakikipagtulungan na rin ng mga saksi at sa tulong ng CCTV.

At dito nalamang may nauna nang mga kahalintulad na krimen ang mga anak ng tipaklong na ito.

Saludo tayo kina Col. Tabernilla at mga mamamayan na nakipagtulungan.