KRISIS SA KLIMA

KRISIS SA KLIMA

December 2, 2022 @ 11:27 AM 2 months ago


NATAPOS ang ika-dalawampu’t pitong Conference of Parties o COP27 ng United Nations na ginanap sa Egypt noong Nobyembre 11-18, 2022.  Ito ang taunang pulong ng lahat ng mga bansa para talakayin kung paano bibigyang solusyon at tutugon ang buong mundo sa lumalalang krisis ng nagbabagong klima o climate change.   

Mas kilala ito sa titulong climate summit.

Sa mga hindi eksperto o hindi masyadong nasusundan ang mga usapin ng krisis pangklima, ang pinakamahalagang maintindihan ay kailangan mabawasan ang pag-init ng mundo para bumaba ang tsansa ng paglala at pagdami ng mga malalang kalamidad tulad ng mga super-typhoon, mga nasusunog na gubat, tagtuyot, pagbaha at pag-taas ng tubig-dagat.

Pero para sa maraming syentipiko at mga aktibistang maka-kalikasan, nakadidismaya ang naging resulta ng COP27.   Bagama’t meron naman daw na mga konting panalo sa lumabas na dokumento, kulang na kulang naman ang mga kasunduan sa lalim at lawak nang pagbawas ng polusyon, at ang pag-alis ng maraming ekonomiya sa mga maduming enerhiya.  

At kulang din ang ambagan ng mga mayayamang bansa para sa pondo na magpapabilis at magsasaayos ng kakayahan at kahandaan ng mga mahihirap na bansa para tumugon sa mga masasamang epekto ng climate crisis na ito.

Maraming ingay, maraming pangako, maraming salita.   Sandamakmak ang mga kwento at mga bidahan ng mga taga-gobyerno at mga industriya sa napakaraming mga “pavilion” sa komperensya.   Nandoon din ang mga akademiko at mga aktibista, nagbibigay ng kanilang mga pananaw at panawagan.

Yun nga lang, pag-dating sa huli, kinapos ng hininga at lakas para maglabas ng totoong dokumento na pwede sanang ituwid ang direksyon at umiwas sa kapahamakan ang mundo.   

Kinapos din sa pondo o pera na kakailanganin para maging totoo ang mga solusyon sa krisis pangklima.

Napanood ko noong isang araw ang teleserye na High Water sa Netflix.   Nilarawan nito ang mga posibleng mangyari kung hindi natin matutugunan ang krisis sa klima.   

Huwag sana natin biguin ang mga susunod na henerasyon, at iwanan natin ang isang mas maganda at mas malusog na mundo sa mga susunod na lahi.