Krisy kay Mocha: Hindi kita uurungan!

Krisy kay Mocha: Hindi kita uurungan!

June 6, 2018 @ 3:58 PM 4 years ago


Manila, Philippines- Hindi pinalampas ni Kris Aquino ang patutsada ni Presidential Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson matapos nitong idawit ang kaniyang pamilya para ipagtanggol si pangulong Duterte sa isyu ng paghalik sa isang OFW sa South Korea.

Si Uson ay nagpost noong Linggo ng isang video ng yumaong ama ni Krisy na si Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na tumanggap ng halik mula sa dalawang babae sa eroplano bago siya mapaslang noong 1983 sa ilalim ng ditatorya ni Marcos.

“Tama na… sobra na…,” buwelta ni Krisy.

“Binalahura mo na ang buong pagkatao ng pamilya naming…” ang sabi ni Krisy sa kaniyang live video post sa Instagram at Facebook.

Tinutukoy ni Krisy sa kaniyang pahayag ang kanyang ama na ilang ulit ding nakatanggap ng pambabatikos mula kay Mocha sa social media.

Dagdag pa ni Krisy, “Pero nung napanuod ko ‘yung inupload mo para depensahan si Presidente Duterte, alam mo ba kung ano ang ginawa mo? Sinariwa mo ang sugat sa puso ng isang batang 12 years old nung pinaslang ng walang kalaban laban ang kanyang ama.”

Hindi rin niya pinalampas ang pambabastos ni Mocha sa kaniyang ina na si dating President Corazon Aquino na yumao noong Agosto 2009.

“Umiyak ako ng tuloy-tuloy dahil nainggit ako sa 2 babaeng nakahalik sa dad ko bago siya pinatay. Isang regalong hindi binigay sa nanay ko na walang tigil mo ring binabastos,” matapang niyang pahayag.

“Nangako akong hindi kita papatulan pero ngayon tama na.. sobra na!…”

Matapos ng pahayag niyang ito, binalaan niya si Uson na hindi niya uurungan ang lahat ng patutsada niya at tinapos niya ang kaniyang mensahe sa tatlong dilaw na puso at isang kamao.

Samantala, nagpasamat naman si Kris kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa paghingi nito ng tawad para sa insidenteng ito na kinasasangkutan ni Mocha. (Remate News Team)