Manila, Philippines – Nagkagulo at nagkaroon ng kudeta kanina ang Konseho ng lungsod ng Maynila matapos pagbotohang mapalitan sa puwesto ang Majority Leader.
Si 6th District Councilor Casimiro Sison na tumatayo bilang Majority leader ay pinalitan ni 2nd District Councilor Rolan Valeriano.
Sa deklarasyon ni 3rd District Councilor Manuel ‘Letlet’ Zarcal, nagulat ang lahat sa loob ng session hall nang sabihing bakante ang posisyon ng Majority leader at isagawa ang botohan at ideklarang Majority leader si Valeriano.
Si Edward Tan ng ikalawang distrito ng lungsod naman ang itinalagang Assistant Majority Floor habang 2nd Assistant Majority Floor Leader naman si 3rd District Councilor Grace Chua.
Wala namang kumontra nang iboto para maging Pro Tempore si 3rd District Councilor Asuncion ‘Re’ Fugoso.
Hindi naman natuloy ang botohan para sa Minority Floor Leader dahil sa patuloy na pag-apela ni Sison.
Sinabi naman ni Presiding Office at Manila Vice Mayor Honey Lacuna, na lahat ng komite ay idineklarang bakante.
Tatalakayin naman sa Lunes , August 13 ang Committee Chairmanship .
Ang mga bagong miyembro ng Majority ay kinabibilangan nina Zarcal, Fugoso, Chua, Valeriano, Tan, Lacsamana, Dr. J. Buenaventura, Maile Atienza, Terrence Alibarbar, Caloy Castañeda, Ricardo Isip, Ting Yupangco, Peter Ong, Bobby Lim, Erwin Tieng, Ramon Robles, Joel Par, Niño dela Cruz, Bernie Ang, Priscilla Marie Abante, Martin Isidro, Macario Lacson, Joel Villanueva, Wardee Quintos, Luisito Chua at Lei Lacuna.
Samantala, apat sa nasabing mga konsehal ng Maynila ang tinagurian namang “Big 4” ng Manila City Council kung saan ipinagmamalaking hindi sila kayang buwagin dahil malakas sila kay Manila Mayor Joseph Estrada. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)